Malay Journal
Abstract
Ilang kabahalaan at usaping kaugnay ng etika sa pagsasagawa ng panlipunang pananaliksik ang pinapaksa ng papel na ito. May ilang kalituhan na kailangang talakayin tungkol sa mismong patakaran at alituntunin sa kung aling pagpapasiyahang pag-aaral ang may etika o wala lalo na’t kung ito’y popondohan. Kagyat ng kapasiyahang ito ang paglalabas ng clearance na kinatigang may etika ang isang pag-aaral upang patibayin rin ang halaga nito sa paglalathala ng kinahinatnan ng pananaliksik. Kamakailan, isinainstitusyon ang proseso ng rebyu sa etika ng pananaliksik sa mga unibersidad upang matulungan ang mga nasa lalong mataas na edukasyon na makapanaliksik na ang kiling ay sa kapakanan ng kalahok, sa katotohanan, kawastuhan, at katuwiran. Bukod diyan, may mga pananaliksik-panlipunan at siyentipiko na hindi mawari kung paanong ilalapat ang mga tuntunin sa pagtatasang pang-etika dahil ang pag-aaral ay may pagkukubling-sadya o hindi mapag-aaralan ng mga metodong hindi akma’t angkop para sa kalahok at konteksto nito. Angkat-pataw ang ginagawa para sa rebyu sa etika ng pananaliksik ng kani-kanilang sentro ng pananaliksik kaya kopyang xerox (photocopy) ang marami sa patakarang inangkat sa kung saan at ipinataw sa mga pananaliksik-panlipunang may sariling kultura’t kinamulatang kaparaanan sa pagtuklas at pagbubuo ng kaalaman. Samantalang may ilang ‘bagay’ sa konteksto natin ang mapapansin na karamihan ay wala sa hulog dahil hindi hinugot sa loob ng kultura’t karanasang Pilipino. Kaya ang binuong mga kaisipan sa etika ng pananaliksik ay kailangan repasuhin at muling pagmunihan ang katutubong kaisipan tulad ng ‘hiya’ para sa mas bagay at angkop na batayang pang- etika sa pananaliksik-panlipuan na Pilipino ang diwa.
Recommended Citation
Javier, Roberto E. Jr.
(2019)
"Nasaan ang Hiya sa Etika ng Pananaliksik? Lapat ng Pagpapakatao at Lapit ng Pakikipagkapuwa sa Pagsasagawa ng Pananaliksik sa Agham Panlipunan,"
Malay Journal: Vol. 32:
No.
1, Article 6.
DOI: https://doi.org/10.59588/2243-7851.1100
Available at:
https://animorepository.dlsu.edu.ph/malay/vol32/iss1/6