Malay Journal
Pamantayang Etikal (Publication Ethics Guidelines)
PAMANTAYANG ETIKAL (PUBLICATION ETHICS GUIDELINES)
Kaisa ang Malay sa pagpapanatili ng mga pamantayang etikal sa akademikong pananaliksik at publikasyon. Tanging ang mga artikulo lamang na nakapasa sa masusing ebalwasyon ang inilalathala ng Malay. Sinusunod din ng Malay ang mahahalagang prinsipyo at panuntunan para sa isang etikal na pananaliksik.
Sa pangkalahatan, ang mga ideya, opinyon, at paninindigan ng awtor ay kanilang pananagutan at hindi sumasalamin sa mga pagkukuro at patakaran ng mga patnugot, ng kaguruan, o ng pangasiwaan ng Pamantasan.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa Pamantasang De La Salle Maynila. Alinmang bahagi ng Malay ay hindi maaaring kopyahin o isulat sa anumang anyo maging ito ay palimbag o elektroniko, o kaya’y itanghal nang pormal at may bayad nang walang pahintulot ng tagapaglathala at ng awtor.
Ipinatutupad ng Malay ang pangmadlang akses (open access) sa lahat ng mga artikulo. Malaya ang mga mambabasa na basahin at/o i-download ang nilalaman ng Malay. Kinakailangan ang pormal na paghingi ng pahintulot para sa mga pagsipi o paggamit na saklaw ng commercial purposes (gaya sa paglalathala ng mga teksbuk o pampublikong ahensya na may pondong inilaan para sa paglalathala ng nasabing sanggunian). Hindi pinapayagan ang pagrere-upload ng anumang materyal sa Malay sa kahit anong website o internal na database nang walang paalam.
Tungkulin ng Patnugutan. Responsibilidad ng mga patnugot na siguruhing ang mga artikulong inilalathala sa Malay ay matapat na sumusunod sa mga etikal na pamantayan at prinsipyong itinatakda at itinataguyod ng institusyon. Sa pangkalahatan, nasa ibaba ang mga tungkulin ng patnugutan:
Magtakda ng malinaw, patas, at tiyak na mga tuntunin at pamantayan sa pagrerebyu ng mga artikulo.
Magsagawa ng inisyal na ebalwasyon sa lahat ng mga artikulong ipinapasa sa Malay. Suriin sa inisyal na ebalwasyon kung ang artikulo ay tumutugon sa layunin ng Malay at sumusunod sa mga panuntunang itinatakda. Alamin kung may anumang isyu ang artikulo sa copyright, originality, at mga legal provisions on libel.
Mag-imbita ng mga kuwalipikadong iskolar o mananaliksik para maging rebyuwer.
Isalang sa double blind peer review process ang mga artikulong nakapasa sa inisyal na ebalwasyon.
Ipaalam sa mga awtor ang istatus ng kanilang artikulo.
Panatilihin ang pagiging kumpedensiyal ng lahat ng impormasyong nakakalap at ipinoproseso.
Tungkulin ng Awtor: Responsibilidad ng awtor na tiyaking nakasunod sa mga pamantayan at prinsipyong etikal ang artikulong ipapasa. Sa pangkalahatan, nasa ibaba ang tungkulin ng awtor:
Magpasa ng isang orihinal na artikulo na hindi nakasalang sa rebyu sa ibang journal o publikasyon.
Siguruhin na ang lahat ng inilagay na awtor ay katanggap-tanggap na artikulo sang-ayon sa Vancouver Protocol.
Kumuha ng permiso para sa mga materyal na may karapatang-ari at isumite ito sa Patnugutan.
Siguruhing dumaan ang artikulong ipapasa sa Ethics Committee o Board ng pamantasan ng may-akda, kung kailangan.
Tugunan ang mga komento o komunikasyon ng patnugutan.
Ideklara ang mga maaaring conflict of interest o anumang isyu o konsern sa artikulo.
Banggitin o pasalamatan ang sinumang tao o ahensya na nagpondo sa pananaliksik, kung kailangan.
Ipaalam sa patnugutan kung nais na i-withdraw ang artikulo mula sa proseso ng rebyu.
Ipaalam sa Patnugutan ng Malay kung gagamitin o muling ilalathala ang manuskrito o siguruhing may karampatang citation at pagbanggit sa Malay journal sa mga sanggunian.
Tungkulin ng mga Rebyuwer: Responsibilidad ng mga rebyuwer na isagawa ang isang matapat, masusi, at etikal na pagsusuri sa mga artikulong ipinagkatiwala sa kanila ng Patnugutan ng Malay. Sa pangkalahatan, nasa ibaba ang mga tungkulin ng rebyuwer:
Magbigay ng masusi, patas, at malinaw na mga komento at rekomendasyon.
Panatilihin ang pagiging kumpedensiyal ng mga artikulong sinusuri.
Tugunan nang maagap ang mga komunikasyong isinasagawa ng Patnugutan ng Malay.
Ideklara ang anumang conflict of interest na maaaring maging konsern sa pagrerebyu ng artikulo.
Suriing muli ang mga rebisyong isinagawa ng mga awtor, kung kinakailangan.