•  
  •  
 

Malay Journal

Proseso ng Pagrebyu (Review Process)

PROSESO NG PAGREBYU (REVIEW PROCESS)

  • Ang Malay ay monolingguwal na journal sa wikang Filipino na may layuning paunlarin ang mga pananaliksik sa wika, kultura, at midya sa Pilipinas at pagyamanin ang diskurso sa iba’t ibang disiplina sa Araling Filipino.
  • Sumasailalim muna ang lahat ng artikulo sa preliminaryong rebyu o pagsala ng patnugutan. Susuriin ang pagsunod ng awtor sa mga itinatakdang panuntunan ng Malay. Titiyakin ang kaangkupan ng nilalaman ng artikulo sa tunguhin ng Malay. Isasalang ang artikulo sa originality o similarity review
  • May karapatan ang patnugutan ng Malay na agarang hindi tanggapin ang mga artikulo kahit hindi pa ito sumasalang sa peer review. 
  • Kapag nakapasa ang artikulo sa preliminaryong rebyu ay isasalang ito sa prosesong double-blind peer review. Ang mga miyembro ng Internasyonal na Lupon ng mga Patnugot at ang iba pang mga kilalang iskolar sa kani-kanilang disiplina ang nagrerebyu sa mga artikulo. Pinipili ang mga rebyuwer batay sa kanilang pagiging eksperto sa larangan at/o rekord ng mga publikasyong kaugnay ng artikulong irerebyu. 
  • Dalawang iskolar ang nagrerebyu sa bawat artikulo. Sa pagkakataong may magkasalungat na pagpapasiya ang dalawang rebyuwer, ito ay muling sinusuri ng mga editor at saka pinagpapasiyahan o kaya naman ay kukuha ng ikatlong rebyuwer. Ang buong prosesong ito ay isinasagawa nang hindi nalalaman ng awtor kung sino-sino ang rebyuwer ng kaniyang artikulo, at gayundin, hindi ipinakikilala sa rebyuwer kung sino ang awtor ng kaniyang nirerebyung artikulo. 
  • Muling nirerebyu ng Punong Patnugot ang mga nakapasang artikulo mula sa mga naunang nagrebyu nito. Ang mga artikulong nakapasa sa rebyu ngunit nangangailangan ng rebisyon ay ibinabalik sa awtor para matugunan ang mga kahingian ng mga rebyuwer. 
  • Ang awtor ng artikulong hindi matatanggap ay padadalhan ng liham na naglalaman ng mga puna at komento ng mga nagrebyu.