Dalumat: Multikultural at Multidisiplinaryong E-Journal sa Araling Pilipino
Abstract
Ang kandatu na kilala rin sa tawag na kambinaning ng mga Meranao na isinasagawa o itinatanghal sa pamamagitan ng seremonya ng enthronement at investiture ay isang paraan ng pagdiriwang at pagtanggap sa panibagong tungkulin sa lipunan ng mga Meranao na pinasahan ng trono ng pagiging pinuno. May tatlong pangunahing konseptong pinagbatayan sa pag-aaral na ito: Una, Linaw, ipinaliwanag at inilahad sa bahaging ito ang kandatung Meranao; Pangalawa, Ligaw, ang mga karanasan o pangyayari na nagdulot sa pagkakaroon ng cultuphobia ng mga Meranao, partikular sa mga datu, bae at kabataang Meranao; ang pinag-ugatan/kasaysayan ng seremonya; at pangatlo, ang Galaw, kung paano mabibigyang solusyon ang nabuong cultuphobia. Sa isang banda, nakatulong ang mga ito upang makilala at mapag-alaman ang konstruksiyon ng sistemang politikal ng mga Meranao.
Panayam sa mga piling datu, bae, at kabataang Meranao ang ginamit na paraan sa pagpapatibay at pag-uugnay-ugnay ng pag-aaral. Lumabas na may malaking epekto ang makabagong teknolohiya sa kabataang Meranao sa pagsasadiwa ng kandatu na nag-udlot ng pangamba sa pagpapanatili ng kaugalian. Naganap din ang pagbubukas at pagpapasok ng mga paniniwala at kaugaliang wala o hindi bahagi sa kanila. Napatunayang hindi lamang payak na paglilipat ng tungkulin at pagpapatibay ng kakayahan sa pamumuno ang pagsasagawa ng kandatu datapwat ito ang pinakamabisang daluyan ng preserbasyon ng politikal at kultural na pagkakakilanlan ng mga Meranao sa takot (cultuphobia) na matakpan at maglaho ang kaugalian ng etnikong pangkat.
Recommended Citation
Baraiman, Amroding T.
(2022)
"Sirkum-Wao, Lanao-Linaw, Ligaw, at Galaw: Cultuphobia ng Meranao sa Kaugaliang Kandatu Bilang Bahagi ng Kalinangan,"
Dalumat: Multikultural at Multidisiplinaryong E-Journal sa Araling Pilipino: Vol. 8:
No.
1, Article 3.
DOI: https://doi.org/10.59588/2094-4187.1009
Available at:
https://animorepository.dlsu.edu.ph/dalumat/vol8/iss1/3