Dalumat: Multikultural at Multidisiplinaryong E-Journal sa Araling Pilipino
- Bukas ang journal buong taon sa mga mag-aaral, guro, mananaliksik, at iskolar mula sa iba’t ibang disiplina na nais magsumite ng akademikong papel, saliksik-salin, rebyu ng aklat, pelikula, palabas, o biswal na sining, at salin ng mga tekstong mula sa iba’t ibang disiplina at bansa.
- Ang journal ay monolingguwal sa Filipino na may layuning paunlarin ang mga pananaliksik sa wika, kultura, at lipunang Pilipino, at pagyamanin ang diskurso sa iba’t ibang disiplina sa Araling Filipino at Pilipinas.
- Ang mga papel ay kailangang hindi pa nailathala o naisumite para sa konsiderasyon sa ibang publikasyon o journal.
- Kinakailangan na gamitin ng mga nais magsumite ang Dalumat Template upang makonsidera ang kanilang manuskrito. Ang mga ipinasang papel na hindi sumusunod sa itinakdang template ay awtomatikong hindi tatanggapin ng mga editor.
- Sa pangkalahatan, marapat na ang artikulo ay binubuo ng 5,000 hanggang 10,000 salita (20-40 pahina). Kinakailangan din na mayroon itong 1) pamagat, 2) abstrak na may 200-300 salita, at 3) mga susing salita. Kinakailangan na ang tatlong ito ay may salin sa wikang Ingles.
- Sumasailalim muna ang lahat ng papel sa preliminaryong rebyu o pagsala ng mga editor. Susuriin ng mga editor ang kaangkupan ng nilalaman ng artikulo sa tunguhin ng journal. Titingnan din ang pagsunod ng mga awtor sa mga itinatakdang panuntunan ng journal at isasalang ang papel sa originality, similarity, at AI review. May karapatan ang mga editor na agarang hindi tanggapin ang mga manuskrito kahit hindi pa ito sumasalang sa peer review.
- Kapag nakapasa ang papel sa preliminaryong rebyu ay sasalang ito sa prosesong double-blind peer review. Ang mga miyembro ng Internasyonal na Lupon ng mga Tagapayong Patnugot at ang iba pang mga kilalang iskolar sa kani-kanilang disiplina ang nagrerebyu sa mga papel na ipinapasa sa journal. Pinipili ang mga rebyuwer batay sa kanilang pagiging eksperto sa larangan at/o rekord ng mga publikasyong kaugnay ng artikulo na nirerebyu. Dalawang iskolar ang nagrerebyu sa bawat papel. Sa pagkakataong may magkasalungat na pagpapasiya ang dalawang rebyuwer, ito ay muling sinusuri ng mga editor at saka pinagpapasiyahan. Maaari ding mag-imbita pa ng isang rebyuwer ang mga editor upang higit na mapatibay ang desisyon hinggil sa artikulo. Ang buong prosesong ito ay isinasagawa nang hindi nalalaman ng awtor kung sino ang rebyuwer ng kaniyang papel, at gayundin, hindi ipinakikilala sa rebyuwer kung sino ang awtor ng kaniyang nirerebyung papel.
- Mula rito, muling nirerebyu ng mga patnugot ang mga nakapasang papel mula sa mga naunang nagrebyu nito. Ang mga papel na nakapasa sa rebyu ngunit nangangailangan ng rebisyon ay ibinabalik sa mga awtor para matugunan ang mga kahingian ng mga rebyuwer.
- Ang mga awtor ng mga papel na hindi matatanggap ay padadalhan ng liham na naglalaman ng mga puna at komento ng mga nagrebyu. May karapatan ang mga patnugot na maging pag-aari ang kopya ng lahat ng papel na ipinasa.
- Kung sakaling may larawan o ilustrasyong bahagi ng manusktiro, ang file ay kailangang nasa format na jpeg at malinaw ang kopya. Kailangan ding may kapsiyon at karampatang pagkilala sa pinaghiraman o may-ari/may likha ng larawan/ilustrasyon. Tungkulin ng awtor na kumuha ng permiso para sa anumang materyal na may karapatang-ari.
- Anumang pagkakakilanlan sa identidad ng awtor ay kailangang wala sa manuskrito. Ang pangalan ng awtor, tirahan, e-mail, at iba pang mahahalagang kontak ay kailangang nakasulat sa hiwalay na papel. Kailangan ding ilakip sa sabmisyon ang isa hanggang dalawang talatang bionote para sa pagkakakilanlan ng may-akda.
- Padadalhan ng liham tungkol sa magiging pasya sa ipinasang papel ang mga awtor sa loob ng 45 araw simula nang ito ay ipinasa.
- Ang mga artikulo na nakapasa na sa proseso ng double-blind peer review at editor evaluation ay sasailalim naman sa copyediting bago ilathala.