Dalumat: Multikultural at Multidisiplinaryong E-Journal sa Araling Pilipino
Tungkol sa Dalumat (About the Journal)
Mula nang magsimulang maglimbag ang Dalumat noong 2010, pangunahin nitong itinatampok ang mga multi/interdisiplinaryo at multi/interkultural na saliksik, rebyu, salin, o artikulong naglalahad ng mga mapanuring kaisipan at kaalaman sa araling Filipino at Pilipinas.
Inililimbag ito onlayn dalawang beses isang taon ng Networked Learning PH, Inc. katuwang ang Departamento ng Filipino ng Pamantasang De La Salle. Ito ay open access, refereed, at pambansang journal na tumatanggap ng mga artikulo buong taon at karaniwang naglalabas ng isyu tuwing Hunyo at Disyembre.
Ito ay open access sapagkat libreng maaakses ng publiko ang mga artikulong inilalathala ng journal. Hindi rin naniningil ang patnugutan ng anumang halaga sa mga awtor na nais magpasa at maglathala sa journal. Tungkulin ng mga tagapagtangkilik nito na angkop na kilalanin ang journal at ang mga awtor nito kung gagamitin ang anumang publikasyon sa mga pang-akademikong gawain. Bagaman open access, hindi pwedeng gamitin ang mga nilalaman ng journal sa pang-komersyal na layunin.
Ito ay refereed sapagkat sumasailalim muna ang lahat ng papel sa preliminaryong rebyu o pagsala ng mga editor. Kapag nakapasa ang papel sa preliminaryong rebyu ay sasalang ito sa prosesong double-blind peer review. Ang mga miyembro ng Internasyonal na Lupon ng mga Tagapayong Patnugot at ang iba pang mga kilalang iskolar sa kani-kanilang disiplina ang nagrerebyu sa mga papel na ipinapasa sa journal. Pinipili ang mga rebyuwer batay sa kanilang pagiging eksperto sa larangan at/o rekord ng mga publikasyong may kaugnayan sa ipinasang saliksik, rebyu, o salin.
Ito ay pambansa sapagkat mula nang magsimulang maglathala ang journal noong 2010, ang mga artikulong inililimbag nito ay mula sa iba’t ibang institusyon at samahan na nakabase rin sa iba’t ibang lugar sa bansa. Layunin din ng journal na hindi lamang makapaglimbag ng mga saliksik na mula sa iba’t ibang panig ng bansa kung hindi maabot ang maraming komunidad na bumubuo sa pagkabansa ng Pilipinas.
Bagaman pangunahing tuon ng journal ang mga mahahalagang usapin at dalumat kaugnay ng wika, kultura, at lipunang Pilipino, tumatanggap din ito ng mga artikulo na tumatalakay sa iba’t ibang paksa na mula sa mga umiiral na disiplina sa bansa. Pangunahin lamang na pangangailangan na ang mga artikulong ito ay nakasulat sa wikang Filipino upang higit na maitaguyod ang intelektuwalisasyon ng wikang pambansa. Gayumpaman, sa ilang pagkakataon ay naglalathala rin ang journal ng piling saliksik na nakasulat sa wikang Ingles at mga katutubong wika na umiiral sa Pilipinas. Ang mga saliksik na ito ay binibigyan ng salin sa Filipino upang higit na makarating at mabasa ng mga Pilipino.
Rehistrado ang Dalumat sa ISSN National Center Philippines, Bibliographic Services Division, National Library of the Philippines: ISSN 2094-4187