Dalumat: Multikultural at Multidisiplinaryong E-Journal sa Araling Pilipino
Pamantayang Etikal (Publication Ethics Statement)
Kaisa ang Dalumat sa pagpapanatili ng mga pamantayang etikal sa akademikong pananaliksik at publikasyon. Tanging ang mga manuskrito lamang na nakapasa sa masusing ebalwasyon ang inilalathala ng journal. Sinusunod din ng journal ang mga mahahalagang prinsipyo at panuntunan para sa isang etikal na pananaliksik.
Sa pangkalahatan, ang mga ideya, opinyon, at paninindigan ng awtor ay pananagutan nila at hindi repleksyon ng mga paghahaka at patakaran ng mga patnugot o ng organisasyon na naglalathala sa journal.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa Networked Learning PH, Inc. Alinmang bahagi ng journal ay hindi maaaring kopyahin o isulat sa anumang anyo maging ito ay palimbag o elektroniko, o kaya’y itanghal nang pormal at may bayad nang walang pahintulot ng tagapaglathala at ng awtor.
Ipinatutupad ng journal ang pangmadlang akses (open access) sa lahat ng mga manuskrito. Malaya ang mga mambabasa na basahin at/o i-download ang lahat ng nilalaman ng journal. Kinakailangan naman ang pormal na paalam para sa mga pagsipi o paggamit na saklaw ng commercial purposes (gaya sa paglalathala ng mga teksbuk o publikong ahensya na may pondong inilaan para sa paglalathala ng nasabing sanggunian). Hindi pinapayagan ang pagrere-upload ng anumang materyal mula sa Dalumat sa kahit anong website o internal na database nang walang paalam.
Tungkulin ng Patnugutan. Responsibilidad ng mga patnugot na siguruhing ang mga manuskritong nailalathala sa journal ay matapat na sumusunod sa mga etikal na pamantayan at prinsipyong itinatakda at itinataguyod ng propesyonal na organisasyon na tagapaglathala ng journal. Sa pangkalahatan, nasa ibaba ang mga tungkulin ng patnugutan:
- Magtakda ng malinaw, patas, at tiyak na mga tuntunin at pamantayan sa pagrerebyu ng mga manuskrito.
- Magsagawa ang inisyal na ebalwasyon sa lahat ng mga manuskritong ipinapasa sa journal. Sa inisyal na ebalwasyon ay tinitingnan kung ang manuskrito ay tumutugon sa layunin ng journal at sumusunod sa mga panuntunang itinatakda. Dito rin tinitingnan kung mayroong anumang isyu ang manuskrito sa copyright, originality, artificial intelligence, at mga legal provisions on libel.
- Mag-imbita ng mga kuwalipikadong iskolar o mananaliksik para maging rebyuwer ng journal.
- Isalang sa double blind peer review process ang mga manuskritong nakapasa sa inisyal na ebalwasyon.
- Suriin ang ebalwasyon ng mga rebyuwer at magbigay ng desisyon sa pagtanggap o hindi pagtanggap sa mga manuskrito.
- Ipaalam sa mga awtor ang istatus ng kanilang manuskrito.
- Panatilihin ang pagiging kumpedensiyal ng lahat ng impormasyong nakakalap at ipinoproseso.
Tungkulin ng mga Awtor: Responsibilidad ng mga awtor na siguruhing sumunod sa mga pamantayan at prinsipyong etikal ang manuskritong ipapasa. Sa pangkalahatan, nasa ibaba ang tungkulin ng mga awtor:
- Magpasa ng isang orihinal na manuskrito na hindi pa nailathala o nakasalang sa rebyu sa ibang journal o publikasyon.
- Siguruhin na ang lahat ng inilagay na awtor ay mayroong katanggap-tanggap na kontribusyon sa manuskrito sang-ayon sa Vancouver Protocol.
- Kumuha ng permiso para sa mga materyal na may karapatang-ari at isumite ito sa Patnugutan.
- Siguruhing dumaan sa Ethics Committee o Board ng pamantasan ng may-akda ang saliksik na ipinasa, kung kailangan.
- Tugunan ang mga komento o komunikasyon ng patnugutan.
- Ideklara ang mga maaaring conflict of interest o anumang isyu o konsern sa manuskrito.
- Banggitin o pasalamatan ang sinumang tao o ahensya na nagpondo sa pananaliksik, kung kailangan.
- Ipaalam sa patnugutan kung nais na i-withdraw ang papel mula sa proseso ng rebyu.
- Ipaalam sa journal kung gagamitin o muling ilalathala ang manuskrito o siguruhing may karampatang citation at pagbanggit sa Dalumat sa mga sanggunian.
Tungkulin ng mga Rebyuwer: Responsibilidad ng mga rebyuwer na isagawa ang isang matapat, masusi, at etikal na pagsusuri sa mga manuskritong ipinagkatiwala sa kanila ng patnugutan. Sa pangkalahatan, nasa ibaba ang mga tungkulin ng rebyuwer:
- Magbigay ng masusi, patas, at malinaw na mga komento, rekomendasyon, at pagtatama.
- Panatilihin ang pagiging kumpedensiyal ng mga manuskritong sinusuri.
- Tugunan nang maagap ang mga komunikasyong isinasagawa ng patnugutan.
- Ideklara ang anumang conflict of interest na maaaring maging konsern sa pagrerebyu ng manuskrito.
- Suriing muli ang mga rebisyong isinagawa ng mga awtor, kung kinakailangan.