•  
  •  
 

Dalumat: Multikultural at Multidisiplinaryong E-Journal sa Araling Pilipino

Abstract

Layunin ng pag-aaral na makapag-ambag sa pagpapaunlad ng diskurso hinggil sa mga single, matatanda, at retiradong manggagawa sa pamamagitan ng paglalarawan sa naratibo ng mga matatandang dalagang guro na nagretiro mula sa mga pang-estadong unibersidad. Inilarawan sa artikulo kung paano nagbago ang buhay ng mga matatandang dalagang guro matapos ang kanilang pagreretiro, maging ang mga dahilan, karanasan, at pananaw nila bilang isang single, at hanggang sa mga isyu at hamon na nararanasan nila sa kasalukuyan. Sa pamamagitan ng katutubong pamamaraan na pakikipagkuwentuhan ay natuklasan ng mga mananaliksik ang sumusunod: 1) Mula sa abalang-abalang buhay noong nagtuturo pa sa pamantasan ay nagkaroon ng oras ngayon ang mga retiradong guro sa pamilya, sa mga gawaing pantahanan, pampamayanan, pansimbahan, bagama’t karamihan sa kanila ay mga part-time teachers pa rin upang hindi ganap na mawalay sa propesyon; 2) Matagal nilang hinintay ang pagreretiro subalit nalimitahan ang kanilang mga plano dahil sa pagdating ng pandemya; 3) Nagkaroon sila noon ng pagkakataon upang makapag-asawa subalit pinili nilang maging single at mas tumutok sa mga personal, propesyonal, at pampamilyang plano sa buhay; 4) Masaya at kontento sila sa kanilang buhay at nakikita nilang buo at hindi kulang ang kanilang pagkatao dahil lang wala silang asawa; 5) Kalusugan ang pangunahing inaalala nila higit lalo’t bulnerable sa kumakalat ngayong virus ang mga matatanda; at, 6) Napaghandaan ng mga guro ang kanilang pagreretiro higit lalo sa usaping pinansiyal at nakikita nilang produktibo at kapaki-pakinabang pa rin ang kanilang buhay sa kabila ng pagiging matanda at retirado. Mahalaga ang papel sapagkat maliban sa inilalarawan nito ang karanasan ng mga senior citizen at retired university teachers sa panahon ng pandemya, binabasag din nito ang mga dominanteng nosyon o iba’t ibang mito hinggil sa pagiging isang single, matanda, at retirado.

Share

COinS