•  
  •  
 

Dalumat: Multikultural at Multidisiplinaryong E-Journal sa Araling Pilipino

Abstract

Suliranin sa lupa ang isa sa pinakamabigat na hamon ng mga pamayanang Ayta sa bansa, ngunit nanatiling limitado ang mga pag-aaral hinggil sa kanilang paninirahan sa labas ng lupang ninuno. Tinugunan ng papel ang puwang na ito sa pamamagitan ng pagsusuri sa karanasan ng pamayanang Ayta sa Putingkahoy, Rosario, Batangas bilang indigenous peoples outside ancestral domain. Ginamit sa pag-aaral ang modelong mnemonic na K-U-L-T-U-R-A at disenyong etnograpiya na nakabatay sa partisipasyon ng pamayanan upang masuri ang kamalayan, saloobin, pag-uugali, reaksyon, at pagkilos ng mga Ayta sa kanilang suliranin sa lupang tirahan. Natuklasan na ang paninirahan sa labas ng lupang ninuno ay lalo pang nagpalala sa kakulangan sa edukasyon, kawalan ng permanenteng kabuhayan, malnutrisyon, kakulangan ng representasyon sa barangay, at mas mataas na bulnerabilidad sa kalamidad. Lumitaw rin ang kultura ng tahimik na paghihintay at mahinahong pakikipag-ugnayan, kung saan ipinauubaya sa chieftain ang pakikipag-usap sa mga opisyal ng barangay. Sa kabila nito, natukoy ang kontra-diskursong nagpakitang may pangarap ang mga Ayta na makapagtapos ng pag-aaral at may bukas silang pagtanggap sa mga mananaliksik at community partners. Gayunman, nanatiling hamon ang usapin ng free, prior, and informed consent at etika sa mga programang isinagawa kasama ang mga katutubo. Ipinakita rin ng papel ang aktibong partisipasyon ng kabataang Ayta sa pagpapasigla ng katutubong kaalaman at ang panawagang mas malinaw na maipaliwanag ang Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA) upang maprotektahan at mapalakas ang tinig ng mga Ayta sa labas ng lupang ninuno.

Share

COinS