•  
  •  
 

Dalumat: Multikultural at Multidisiplinaryong E-Journal sa Araling Pilipino

Abstract

Ang papel na ito ay pagtatangkang itaguyod ang Pilipinong Komunikasyon bilang isang mahalagang hakbang sa dekolonisasyon ng larangan ng komunikasyon sa Pilipinas. Sa loob ng mahabang panahon, ang teorya at praktika ng komunikasyon sa bansa ay nakaangkla sa Kanluraning modelo na hindi ganap na nagpapaliwanag sa natatanging paraan ng pakikipagtalastasan ng mga Pilipino. Upang matugunan ang puwang na ito, sinuri ang iba't ibang lokal na pananaw tulad ng Pilipinolohiya, Pantayong Pananaw, Sikolohiyang Pilipino, Pilosopiyang Pilipino, Filipino Communicative Behaviour, at Pilipinong Sosyolohiya. Ang pagsusuri sa mga pananaw na ito ay nagbigay-daan sa pagbubuo ng isang diskurso na nakaugat sa sariling wika, halagahin (values), at panlipunang konteksto.

Sa pamamagitan ng sistematikong pagsusuri, natukoy na ang Pilipinong Komunikasyon ay may pitong pangunahing dimensyon: kultural, lingguwistiko, panlipunan, sikolohikal, di-berbal, pilosopikal, at pragmatiko. Ipinakikita ng mga dimensyong ito na ang komunikasyon ng mga Pilipino ay hindi lamang isang daluyan ng impormasyon kundi isang masalimuot na proseso ng pakikitungo, pakikiramdam, at pagpapatibay ng relasyon sa loob ng isang komunidad. Higit pa rito, binibigyang-diin nito ang pahiwatig, hiya, respeto, at kapwa bilang mahahalagang sangkap ng ating pakikipagtalastasan.

Sa kabuuan, ang Pilipinong Komunikasyon ay hindi lamang isang alternatibong modelo kundi isang intelektwal na adhikain tungo sa pagbawi at pagpapalakas ng ating sariling identidad bilang isang bayan. Ang pagpapalaganap at pagpapatibay ng ganitong pananaw ay hindi lamang mag-aambag sa larangan ng komunikasyon kundi sa mas malawak na kilusan ng pagsasakatutubo at intelektwal na kasarinlan sa pananaliksik at edukasyon sa Pilipinas.

Share

COinS