Sinaya: A Philippine Journal for Senior High School Teachers and Students
Theme
Humanities, Arts and Education
Research Advisor
Ma. Jayanne C. Mapugay
Abstract
Nananatiling limitado ang sistematikong pag-aaral tungkol sa herbal medicine vendors sa modernong panahon bagaman nananahan na ang mahabang kasaysayan ng tradisyonal na panggagamot sa bansa. Sa Quiapo, madidinig ang taal na mga karanasan ng vendors na matagal nang bumubuhay sa herbal lane ng lugar. Upang maumpisahan ang pagbabalangkas sa mga natatanging karanasang ito, sumanding ang pag-aaral sa deskriptibong penomenolohiya, alinsunod sa Collaizzi’s Method at konseptong Quiapook, na kumikilala sa sistematikong pagpopook ng mga danas sa Quiapo. Gamit ang semi-structured interview sa limang piling vendors, sumuong sa proseso ng pagbaklas (bracketing), pagiging bukas (intuition), pagsusuri (investigate), at paglantad (descriptive) ang pag-aaral. Humantong ito sa isang tematikong mapa na nagbubuklod sa mga pangunahing temang kinakatawan ng: mga panlipunang puwersa na nagbibigay-saysay sa pagtitinda, mga pananaw na pumapanday sa karanasan, pakikipagdiskurso bilang diskarte sa pagtitinda, at pagmemerkado ng kagamutang herbal sa modernong panahon. Mula rito, tunay na may malalim nang kaugnayan ang mga karanasan ng vendors sa komunidad at identidad ng Quiapo bilang sentro ng herbal medicine. Makabuluhan ang kanilang papel sa pagpapalalim ng diskurso sa herbal at pagtitinda nito bilang kultural na industriya at kabuhayan sa naturang lugar. Ang pagpapalawak pa ng akademikong diskurso sa pagtitinda ng herbal medicine ay iminumungkahi sa pamamagitan ng paggamit ng iba pang metodo o pagtuon sa tiyak na salik, gaya ng relihiyon at pananampalataya, sa mga naisalaysay nang karanasan. Natagpuan din ang sumusulong na diskurso ng Quiapook na nagpapatunay na may masaganang batis ng karanasan ng iba’t ibang pangkat ng indibidwal sa Quiapo, at bukas itong madadalumat ng mga susunod pang pag-aaral.
Recommended Citation
Bonifacio, L. A. A., Izon, J. K. S., Prats, S. L. E., & Mapugay, M. J. C. (2025). Ang mga tinig sa herbal lane tungo sa paglalang ng Quiapook: Pagbalangkas sa karanasan ng herbal medicine vendors sa Quiapo, Maynila. Sinaya, (4)3, 160–192. https://doi.org/10.59588/3027-9283.1260