"Kasal-lanan": Ang pagtanaw ng classical natural law jurisprudence sa isyu ng "same sex marriage" sa Pilipinas
College
College of Liberal Arts
Department/Unit
Philosophy
Document Type
Conference Proceeding
Source Title
Ikalawang Pambansang Kumperensiya sa Araling Filipino
First Page
32
Publication Date
2016
Abstract
Hindi na bago sa kulturang Pilipino, bilang isang kulturang binabalot ng mga tradisyon at pananampalatayang Kristiyano at Muslim, ang paniniwala sa natural law jurisprudence. Masasabi na nga siguro natin na ang isa sa mga haligi ng ating mga pamantayan sa ating pagpiling moral ay ang kamalayang may Diyos na tagapaglikha ng lahat. Marahil ay nasabihan ka na rin ng isang kaibigan o narinig sa iba ang katagang “ang mga batas ng tao ay dapat naayon sa batas ng Diyos o kalikasan.
Alam din naman natin siguro na hindi lamang sa ating kultura pinahahalagahan ang natural law jurisprudence, dahil maging sa ibang bansa ay pinahahalagahan din ito. Sa makatuwid ay maari nating masabi na may malaking ginagampanang paperl at impluwensya ang natural law jurisprudence sa mga pananaw nating mga Filipino sa tama, mabuti, mali at masama.
Ang pangunahing layunin ng aking papel ay ang suriin o bigyang linaw ang konsepto ng natural law jurisprudence. Sa partikular, gusto kong bigyang paglilinaw ang isyu ng “same sex marriage” sa tradisyunal na kulturang Filipino at paano ito nauugnay sa classical natural law jurisprudence. May dalawang bahagi ang aking diskusyon, sa unang bahagi, sisiyasatin ko ang dalawang esensyal na katangian classical natural law jurisprudence. Ang ikalawang bahagi ay sususog sa ikalawang esensyal na katangian ng classical natural law jurisprudence at maguugnay ditto sa isyu ng “same sex marriage” sa Pilipinas.
Ang classical natural law ay mayroong dalawang esensyal na katangian. Una, ang katangiang kahalintulad o umaayon sa ibang teoryang natural law. Pangalawa, ang nagpapaiba ditto o hindi katulad na katangian mula sa iba pang mga teorya.
Ang unang katangian ay tumutukoy sa koneksyon sa pagitan ng “law” o batas at “morality” o mabuting asal. Ayon sa “natural law theory”, mayroong likas na kaugnayan ang batas at mabuting asal. Ang konsepto ng batas ditto ay tumutukoy sa mga batas ng nilikha sa isang lipunan upang magkaroon ng kaayusan at kapayapaan. Ang kosepto ng mabuting asal naman ditto ay tumutukoy sa kultural at kumbensyunal sa isang natatanging panahon o lugar.
Ang ugnayan ng dalawang salik ng pagpili (batas at mabuting asal) ang magpapanday ng daan upang lubos nating maunawaan ang ikalawang katangian na nagpapahayag ng ang “moral order” ay bahagi ng “natural” order. Ito sa huli ang magbibigay linaw sa usaping “same sex marriage” at pagtanaw dito bilang balido o hindi, sa kulturang Filipino; at mga pamantayang legal sa pagsasabatas ng “same sex marriage” sa Pilipinas.
Sa klasikong pananaw, ang ikalawang katangian ay maaari matanto sa dalawang paraan, Una, sa pamamagitan ng pagkakatanto ng natural na ayos ng mga bagay sa buong sanlibutan (“natural order of things”). Pangalawa, ang maayos na pagkatuto ng ito ayon sa kanyang kalikasan bilang tao (“human nature”).
Sa pagtatapos, bibigyang linaw sa balangkas na ito kung papaano hindi naaangkop ang pagsasabatas ng “same sex marriage” sa kulturang Filipino at estado ng Pilipinas, kung saan isang malakas na puwersa ang classical natural law jurisprudence bilang pamantayan sa pagpili, pagkilos at paggawa.
html
Recommended Citation
Esteves, M. C. (2016). "Kasal-lanan": Ang pagtanaw ng classical natural law jurisprudence sa isyu ng "same sex marriage" sa Pilipinas. Ikalawang Pambansang Kumperensiya sa Araling Filipino, 32. Retrieved from https://animorepository.dlsu.edu.ph/faculty_research/5246
Disciplines
Gender and Sexuality | Law and Gender | Natural Law
Keywords
Same-sex marriage; Same-sex marriage—Philippines; Natural law
Upload File
wf_no