Ang konsepto ng tampo sa konteksto ng magkakapatid at magbabarkada
College
Br. Andrew Gonzalez FSC College of Education
Department/Unit
Counseling and Educational Psychology
Document Type
Archival Material/Manuscript
Publication Date
2003
Abstract
Inilarawan sa pag-aaral ang konsepto ng tampo ayon sa konteksto ng mga magkakapatid at magbabarkada. Ito ay naglalayong alamin ang mga sanhi, katagalan, paglalim, pagwawakas, kinahihinatnan, at pangangahulugan ng tampo ayon sa dalawang kontekstong nabanggit. Nakalap ang mga datos sa pamamagitan ng lapit na padalaw-dalaw at metodo ngang pakikipagkuwentuhan mula sa mga napiling kalahok gamit ang purposive sampling. Ang mga kalahok ay may edad na mula 13 hanggang 30 taong gulang lamang mula sa Metro Manila. Nakakalap ng isang daan at labindalawang kuwento (112) mula sa labing-isang natural na umpukan na binubuo ng lima at pataas na mga kalahok ang mga mananaliksik. Ang mga kuwento ay dumaan sa proseso ng pagbabawas ng datos at pagsusuri ng nilalaman ng kuwento, kung saan ay nakabuo ng mga kategorya na tumutugon sa mga suliranin ng pag- aaral. Lumabas sa pagsusuri na wala masyadong pagkakaiba sa proseso at pangangahulugan sa pagtatampo sa kapatid o kabarkada. Nagkaroon lamang ng ilang pagkakaiba sa katagalan at kinahihinatnan pagkatapos ng pagtatampo. Karaniwan na panandalian ang pagtatampo sa kapatid o kabarkada ngunit, mas madalas na tumatagal ang pagtatampo sa kabarkada. Napagalaman din na ang paglalim ng pagtatampo ay batay sa tao at sanhi dahil kadalasan na nagtatampo ang isang indibidwal tuwing hindi niya natatamo ang kanyang inaasahan mula sa taong malapit sa kanya. Nakasalalay din sa lalim ng ugnayan at bigat ng sanhi ang posibleng paglalalim ng pagtatampo na maaring mauwi sa positibo o negatibong kinahihinatnan. Karaniwan na positibo ang naging kinahinatnan sa konteksto ng magkakapatid at negatibo sa konteksto ng kabarakada. Dagdag pa rito, lumabas sa pagsusuri na naging pangunahing instrumento ng pagwawakas ng tampo ang pagpapalipas ng nararamdamang pagtatampo. Batay sa kinasapitan ng pag-aaral nabuo ang kahulugan na ang tampo ay isang damdamin na maiuugnay sa sama ng loob dulot ng mga sitwasyon na may kabiguan, an, hindi pagkakaunawaan at hindi nagustuhang ikinilos ng pinagtatampuhan, kaakibat nito ay mga kilos na nagpapahayag ng pagtatampo na maaring mauwi mula panandalian hanggang matagal na pagtatampo at lalong paglalim. Mula sa kinasapitan ng pag-aaral, nakabuo ng bagong konseptwal na balangkas na naglalarawan ng proseso ng pagtatampo na naka-sentro sa pagpapahalaga sa malalimang ugnayan.
html
Recommended Citation
Bautista, H. L., Igoy, J. L., & Tolentino, L. R. (2003). Ang konsepto ng tampo sa konteksto ng magkakapatid at magbabarkada. Retrieved from https://animorepository.dlsu.edu.ph/faculty_research/12894
Disciplines
Personality and Social Contexts | Psychology | Social and Behavioral Sciences | Social Psychology
Keywords
Interpersonal conflict; Interpersonal relations; Siblings; Friendship
Upload File
wf_no