Ang Muslim bilang Pilipino at ang Pilipino bilang Muslim: Isang pag-aaral sa historiograpiya nina Cesar Adib Majul at Samuel K. Tan
Abstract/Summary
Ang karanasang kolonyal ng mga katutubong naninirahan sa Pilipinas ay nagdulot ng disoryentasyon sa identidad kung saan ang kanilang pagiging kabilang o hindi kabilang sa isang relihiyon ang nagsilbi bilang kanilang pagkakakilanlan. Nagluwal ito ng tatlong pangunahing hanay ng pagkakakilanlan – ang mga Kristiyano, mga Muslim, at mga Lumad. Ang mga Kristiyano ay yaong mga napasailalim sa kaayusang kolonyal. Ang mga Muslim naman ang mga nanampalataya sa Islam, samantalang ang mga Lumad ay ang mga pangkat-etniko na hindi pumailalim sa kaayusang kolonyal pati na rin sa Islam, at napatili ang kanilang taal na paniniwala. Kapansin-pansin na sa naging tradisyon ng pagsusulat ng kasaysayan ng bansa, ang kadalasang nabigyan ng sapat na atensyon ay ang kasaysayan at danas ng mga katutubong naging Kristiyano na napasailalim sa kaayusang kolonyal. Naging bida ang mga Kristiyano sa mga nabuong naratibo samantalang ang mga Muslim at Lumad naman ay kung hindi mga kontrabida ay pawang mga sideshow lamang. Hindi ito kataka-taka dahil sa ang kalipunan ng mga batis pangkasaysayan ay isinulat ng mga Kristiyano at ng mga pumailalim sa kapangyarihan ng mga mananakop. Nakalaya man ang Pilipinas ay nanatili pa rin ang naturang tradisyon sa pagsusulat ng kasaysayan kung saan ay kahit ang mga naunang henerasyon ng mga Pilipinong historyador ay naging tagasunod. Nakita ito ng mga sumunod na henerasyon ng mga Pilipinong historyador bilang suliranin sa historiograpiya ng Pilipinas. Dahil dito ay nagkaroon ng pagtatangka mula sa kanilang hanay upang banggain ang nakagawain nang paraan ng pagsusulat ng kasaysayan at nilayong isama sa naratibo ng kasaysayang pambansa ang danas ng mga hindi Kristiyano.
Sinipat sa pag-aaral na ito ang mga pagtatangkang isinagawa nina Cesar A. Majul at Samuel K. Tan sa pagbibigay ng panibagong pananaw hinggil sa kasaysayan ng mga Muslim sa Pilipinas at kung paano ito maaaring isama sa pagbubuo ng pambansang kasaysayan ng Pilipinas. Una munang tiningnan ang pag-unlad ng representasyon ng mga Muslim sa kasaysayan ng Pilipinas. Matapos nito ay nagkaroon ng pag-analisa sa mga pangunahing tema sa mga akda nina Majul at Tan tulad ng peryodisasayon, mga batis na kanilang ginamit, maging ang kanilang pagtatangka upang bigyang katugunan at lubos na pag-unawa ang hamon ng sesesyon at integrasyon ng mga minoridad sa bansa. Sa huli ay tiningnan ang mga naging ambag nina Majul at Tan hindi lamang sa historiograpiya ng mga Muslim sa Pilipinas, kung hindi ay sa kabuuang historiograpiya ng Pilipinas.
Mga susing salita: Muslim Historiography; Moro Wars; Islamic consciousness; Tri-sectoral paradigm; Kasaysayang Lokal; Katutubong batis; Native scripts