Date of Publication

2-2025

Document Type

Dissertation

Degree Name

Doktor sa Pilosopiya sa Araling Filipino - Wika, Kultura, Midya

Subject Categories

Arts and Humanities | Television

College

College of Liberal Arts

Department/Unit

Filipino, Departamento ng

Honor/Award

Outstanding Dissertation

Thesis Advisor

Rowell D. Madula

Defense Panel Chair

Rhoderick V. Nuncio

Defense Panel Member

Raquel E. Sison-Buban
Deborrah S. Anastacio
Dexter B. Cayanes
Romulo P. Baquiran Jr.

Abstract (English)

Sinusuri ng pag-aaral na ito ang mito ng kamusmusan sa May Bukas Pa at 100 Days to Heaven gamit ang estratehiyang bakas-baklas-bukas na nakaugat sa teoryang semiotika ni Roland Barthes. Tinuklas ng pananaliksik kung paano binuo at ipinahayag ng mga naratibo ang mito ng kamusmusan upang maunawaan ang mas malawak na implikasyon nito sa paniniwala ng lipunan at mga kultural na halagahin.

Nakatuon ang pag-aaral sa mga batang karakter na sina Santino at Anna Manalastas, na nagsilbing sentral na pigura sa kanilang mga kwento. Sa May Bukas Pa, ipinakita si Santino bilang isang batang may malawak na imahinasyon at kakayahang makipag-usap kay Bro (Diyos), na nagdadala ng kabutihan at kagalingan sa bayan ng Bagong Pag-asa. Nagbigay-diin ang kanyang karakter sa maraming imahen ng isang batang may responsibilidad—bilang gabay ng kabutihan, tagapagdala ng kagalingan, alagad ng pananampalataya, at banal na tagapamagitan.

Samantala, sa 100 Days to Heaven, bumalik si Anna Manalastas sa lupa matapos ang kanyang kamatayan upang ituwid ang kanyang mga pagkakamali. Sa kabila ng kanyang kamusmusan, ipinakita niya ang karunungang nagmula sa kanyang karanasan. Lumitaw sa kanyang karakter ang mga imaheng naglalarawan sa kanya bilang isang batang mapanuri, maparaan, mapagtanto, at mapagmuni.

Tinalakay din ng pag-aaral ang mga metanaratibong bumabalot sa kanilang mga karakter, na nagsilbing salamin ng mga tunay na hamon at karanasan ng mga bata sa lipunan. Ipinakita ng kanilang representasyon na hindi lamang sila mga bata kundi mga simbolo ng moralidad at espiritwal na responsibilidad. Pinakita rin ng kanilang interaksyon sa mga espasyong kultural—tulad ng simbahan, paaralan, at lansangan—kung paano lumampas ang kanilang mga karanasan sa tradisyunal na konsepto ng kamusmusan.

Gayunpaman, lumitaw din sa pagsusuri ang isyu ng adultifikasyon, kung saan inasahan ng midya na kumilos at mag-isip ang mga bata tulad ng matatanda. Dahil dito, nawala ang kanilang likas na kamusmusan at nalantad sila sa ekonomikong eksploytasyon. Ipinakita ng pananaliksik kung paano inilagay ng mga naratibong ito ang mga bata sa mabibigat na tungkulin na hindi akma sa kanilang edad, na nagresulta sa kakulangan ng makatotohanang representasyon ng kanilang tunay na mga hamon.

Sa kabuuan, inilalarawan ng May Bukas Pa at 100 Days to Heaven ang mito ng kamusmusan sa masalimuot na paraan. Bagamat ipinakita ng mga kwentong ito ang mga bata bilang ahente ng pagbabago, ginawa ito kapalit ng kanilang karapatan sa tunay na pagiging bata. Binuksan ng pananaliksik ang diskurso ukol sa papel ng midya sa paghubog ng imahen ng kabataan, na nagbigay-diin sa hamon ng pagbibigay ng balanseng representasyon kung saan hindi dapat isantabi ang tunay na karanasan at boses ng mga bata.

Abstract Format

html

Language

Filipino

Format

Electronic

Keywords

Television soap operas--Philippines; Children in popular culture--Philippines

Upload Full Text

wf_yes

Embargo Period

3-11-2025

Share

COinS