Date of Publication

12-2022

Document Type

Bachelor's Thesis

Degree Name

Bachelor of Arts in Philippine Studies Major in Filipino in Mass Media

Subject Categories

Film and Media Studies

College

College of Liberal Arts

Department/Unit

Filipino, Departamento ng

Honor/Award

Outstanding Thesis

Thesis Advisor

Rowell D. Madula

Defense Panel Member

Christopher Bryan A. Concha
David Michael M. San Juan

Abstract/Summary

Siniyasat ng pananaliksik na ito ang mga kontemporanyong pelikula tungkol sa Batas Militar. Ang mga pelikulang ito ay binuo ng mga direktor na ipinanganak sa panahon ng pag-iral ng diktadurya sa bansa. Bunsod ng muling pagbabalik ng pamilya Marcos sa pinakamakapangyarihang posisyon sa bansa, kailangang magkaroon ng kritikal na kamalayan ang bawat Pilipino upang masigurong hindi malilimutan ng makabagong henerasyon ang pangyayari noong panahon ng Batas Militar. Nais na alamin ng pananaliksik na ito ang paraan ng pagpapakita ng mga bagong manlilikha sa imahen ng lipunang Pilipino sa panahon ng Batas Militar at kung paano nito binasag ang mga mitong lumalaganap sa lipunan sa kasalukuyang panahon. Sinuri ng mananaliksik ang mga pelikulang Aparisyon (2012) ni Isabel Sandoval, Mga Kuwentong Barbero (2013) ni Jun Lana, Bukas Na Lang Sapagkat Gabi Na (2013) ni Jet Leyco, Respeto (2017) ni Treb Montreras II, Liway (2018) ni Kip Oebanda, at ML (2018) ni Benedict Mique.

Naging gabay sa pananaliksik ang mga pag-aaral tungkol sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino, mahahalagang sanaysay at datos sa panahon ng Batas Militar, at mga umusbong na sining na ginamit sa mga kilos-protesta laban kay Marcos Sr. Bukod dito, ginamit na lente ng mananaliksik ang pananaw ng Pambansang Alagad ng Sining na si Bienvenido Lumbera sa kaniyang sanaysay na Ang Pelikula sa Lipunang Filipino, Ang Lipunang Filipino sa Pelikula, Ang Tatlong Dimensyon ng Naratibong Pelikula ni David Bordwell, at ang konsepto ng imahen sa aklat na Sining ng Sineng Filipino ng Young Critics Circle.

Batay sa mga nakalap na datos sa pananaliksik, binigyan ng bagong bihis ng mga bagong manlilikha ang pagkukuwento ng mga naratibo sa pelikula hinggil sa Batas Militar para sa kasalukuyang henerasyon. Hindi nakakahon sa iisang paraan ang pagpapakita ng korapsyon, karahasan, pananamantala, at pang-aabuso ng pamilya Marcos. Sa halip, gumamit ng iba’t ibang estilo ang mga bagong manlilikhang ito na nakabatay sa kanilang personalidad at karanasan.

Matapang ding sinagasa ng mga pelikula ang mga mito at gawa-gawang kuwento na maririnig at mababasa sa kasalukuyan gamit ang mga simbolismo, linya ng mga karakter, at komentaryo sa pelikula. Katulad ng mga pelikula tungkol sa Batas Militar na ipinalabas noong dekada 70 hanggang 2000, mababakas pa rin sa mga kontemporanyong pelikula ang lalim ng sugat na iniwan ng mga Marcos sa isipan at buhay ng mga biktima. Pilit mang baguhin at iayon ang kasaysayan sa kanilang panig, hindi kailanman maaalis ng mga makinaryang ito ang pilat na natamo ng mga nakibaka para sa demokrasya ng Pilipinas.

Mga susing salita: pelikulang Pilipino, batas militar, diktaduryang Marcos, imahen ng pelikula, naratibo ng pelikula, fake news, disinformation

Abstract Format

html

Language

Filipino

Format

Electronic

Physical Description

viii, 232 leaves

Keywords

Contemporary, The, in motion pictures; Martial law

Upload Full Text

wf_yes

Embargo Period

12-19-2022

Share

COinS