Pagtikim sa tamis at anghang ng mga awit ni Gary Granada: Peryodikong pagsusuri sa kanyang mga komposisyon mula 1978 hanggang 2012
Date of Publication
6-2012
Document Type
Master's Thesis
Degree Name
Master sa Sining sa Araling Filipino - Wika, Kultura, Midya
Subject Categories
Creative Writing
College
College of Liberal Arts
Department/Unit
Filipino
Thesis Adviser
Rhoderick V. Nuncio
Defense Panel Chair
Aurora E. Batnag
Defense Panel Member
Lakangiting C. Garcia
Feorilli Petronilo A. Demeterio
Abstract/Summary
LAYUNIN: Ang layunin ng pananaliksik ay magsagawa ng tematikong pagsusuri sa mga awit ni Gary Granada upang mabatid ang lawak at saklaw ng ambag ng kanyang mga awit sa pag-unlad ng musika at panitikang Pilipino. Layunin din ng pag-aaral na magsagawa ng peryodisasyon ng kanyang mga awit upang makita ang kaugnayan ng pampulitika at pang-ekonomiyang pagbabago ng lipunan sa nilalamang paksa ng kanyang mga awit. METODOLOHIYA: I. Tematikong Pagsusuri Animnapung kanta ang pinili upang suriin para sa pananaliksik . Ang pagpili ng mga kanta ay batay sa mensaheng tumalab sa mananaliksik at personal na pagpapahalaga ng mananaliksik bilang isa ring musikero. Binigyang pansin din ang popularidad ng ilan sa mga awit at ang husay ng pagkakasulat ng mga liriko. Tigsasampung kanta ang sinuri batay sa sumusunod na paghahati ng panahon: 1978 -1983, 1984-1989; 1990 -1995, 1996 -2000, 2001 -2005 at 2006- 2010. Matapos ang pagpili sa mga awit ay isinagawa ang tematikong pagsusuri sa mga awit. Ang mga tema ay ang mga sumusunod: 1.) pulitika, nasyonalismo at kalagayan ng bansa; 2.) pangangalaga sa kalikasan; 3.) relihiyon at kagandahang asal; 4.) pag-ibig; 5.) pagpapahalaga sa kasarian at kakanyahan; at 6.) pagpapahalaga sa sining, kultura at iba v pang paksa. II. Peryodisasyon ng Mga Awit Ang Peryodisasyon na ginamit sa pananaliksik ay halaw sa modelong ginamit ni Dr. Feorillo A. Demeterio III sa kanyang pananaliksik na pinamagatang “ Ang Mga Ideolohiyang Politikal Na Nakapaloob Sa Mga Piling Dokumento Ng CBCP Mula Sa Limang Panahon Ng Kontemporaryong Eklesiastiko-Politikal Na Kasaysayan Ng Pilipinas” na kanyang ipinasa sa De La Salle University Taft Avenue noong taong 2011. Nahati ang peryodisasyon sa sumusunod: Huling Panahon ng Batas Militar ( 1978-1983), Pagpaslang kay Senador Benigno Aquino Jr Patungo sa Pagpapatalsik sa Diktaturya ni Marcos (1983-1986), Panahon ng Panunungkulan ni Pangulong Corazon Aquino (1986-1992), Panahon ng Panunungkulan ni Pangulong Fidel Valdez Ramos (1992-1998), Panahon ng Panunungkulan ni Pangulong Joseph Estrada (1998-2000) at Panahon ng Panunungkulan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo (2000-2010). PAGTALAKAY SA PAGSUSURI: I. Tematikong Pagsusuri ng mga Awit Lumitaw na karamihan sa mga awit na likha ni Gary Granada magmula 1978 hanggang 2010 ay tumatalakay sa mga isyung panlipunan. Ang iba ay may temang panrelihiyonngunit may konsepto pa rin ng pakikisangkot sa mga nagaganap sa lipunan. Marami rin siyang sinulat na may kinalaman sa pangangalaga ng kalikasan at lumilitaw na vi siya ang kompositor na Pilipinong may pinakamaraming nalikhang awit na may kaugnayan sa kalagayan ng kababaihan sa lipunan. Ang mga awit niya ng pag-ibig ay higit na may mas malalalim na mensahe kung para sa mga love songs ng musikang mainstream. II. Peryodisasyon ng mga Awit Ang Pagsisimula ni Gary Granada Bilang Musikero sa Huling Panahon ng Batas Militar (1977- 1983) Sa huling yugto ng Batas Militar nagsimula ang paglikha ng awit ni Gary Granada. “Kahit Konti” ang unang kantang naitala na na kanyang naisulat noong 1978 at nagwagi ng ikalawang puwesto sa 4th Metropop Songwriting Festival noong 1981. Taong 1981 nang ideklara ni Marcos na inaalis na niya ang Batas Militar sa Pilipinas ngunit sa pananaw ng iba ay hindi pa ito tuluyang nawawala hanggang sa panahon ng pagpaslang kay dating senador Benigno Aquino Jr. Ang mga kantang nalikha niya noong 1983 ay may paksang panrelihiyon tulad ng “Malay at Pananampalataya, “O Panginoon Ko”, ”Rehas” at “Hangganan”. Ang tanging kantang makabayan na nalikha niya ay ang “Ang Lupang Ito” na may bahid pa rin ng relihiyon. Pagpaslang Kay Benigno Aquino Jr. Tungo sa Pagpapatalsik sa Diktaturya ni Pangulong Ferdinand Marcos (1983-1986) vii Taong 1983 nagawa ni Gary Granada ang “Salamat Musika” na pinasikat ni Nanette Inventor noong 1984 nang magwagi ang awit sa 7th Metro Manila Popular Music Festival. Taong 1983 rin nang pinaslang si dating Senador Benigno Aquino Jr. ngunit walang naitala na awit na nilikha si Gary Granada na may kaugnayan dito. Lumilitaw na karamihan sa mga kantang kanyang nalikha sa panahon ng unang pag-aaklas sa EDSA ay nagtuturo ng pananampalataya sa Diyos, pag-ibig sa kapwa at pagpapahalaga sa musika ngunit wala pang tuwirang epekto sa paksa ng kanyang musika ang mga pang- ekonomiya at pampulitikal na kalagayan ng bansa. Sa panahong ito nagsilbing seryosong career ni Gary Granada sa paggawa ng mga commercial jingle kung saan nagwagi bilang 1986 Ad of the Year ang kanta niyang “Alay Mo, Buhay Ko” para sa UNICEF. Ito ang posibleng dahilan kung bakit walang awit na naitalang may kaugnayan sa pagpapatalsik kay Marcos na nalikha si Gary Granada sa panahong nag-aaklas ang sambayanan laban sa diktaturya.Pagkalipas pa nang mahigit sampung taon saka lumabas ang kanyang mga kantang anti-Marcos sa musical play na “Lean” na inilabas noong 1997. Panahon ng Panunungkulan ni Pangulong Corazon Aquino (1986-1992) Taong 1987 nang maging Co-founder and Board Member si Gary Granada ng Center for Peasant Development kung saan nagsimula siyang magsulat ng mga akdang may viii kinalaman sa kalagayan ng lipunan. Pinakamahalagang nalikha niya noong 1988 ay ang kantang“Bahay” na nagwagi ng Grand Prize, KBP Musicfest na inisponsor ng Kapisanan ng mga Brodkasters sa Pilipinas. Sa taong 1989 niya nalikha ang mga kantang “EDSA” at “Kanser”na tumutuligsa sa kawalang pagbabago sa pamamahala ni Cory Aquino, “Dam” at “Paligid”na tumatalakay sa pagkasira ng kalikasan kapalit ng industriyalisasyon, “Pagsamba at Pakikibaka” na nagtutulak pagsanibin ang pananampalataya sa Diyos at ang pagkilos para baguhin ang lipunan at ang mga kantang “Manggagawa”, “Balon” at “Holdap” na pawing patama sa bulok na sistema ng lipunan. Ang “Hatinggabi sa Picketline” ay ang kanyang naging tugon sa mga paglabag sa karapatang pantao na nagaganap sa mga hanay ng lakas-paggawa. Taong 1989 rin nang malikha niya ang kantang “Tagumpay Nating Lahat” na pinasikat ni Lea Salonga. Kakaiba sa mga awit ng pagtuligsa, ang kanta namang ito ay nanawagan ng pagkakaisa ng mga Pilipino at nabigyan ng puwang na mapakinggan sa mainstream music. Lumilitaw na sa panahong ito na ang mga awit ni Gary Granada ay tumutugon sa mga panawagan ng mga kilos-protesta at ang kanyang mga likhang awit ay bahagi na mismo ng mga pagtuligsa sa kawalang katarungang naganap sa lipunan. Panahon ng Panunungkulan ni Pangulong Fidel Ramos (1992-1998) Ang isyu ng Free Trade sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Fidel Ramos ay may impluwensiya sa mga awit na nalikha ni Gary Granada sa panahong ito. Sa album na “Ganun Pa Rin” lumabas ang kantang “Philippines 2000” na bumabatikos sa ix pangakong pagiging newly industrialized country ng Pilipinas ng rehimen ni FVR na hindi naman naisakatuparan. Maging ang usaping pang-agraryo ay natalakay rin sa kantang “Santa Monica” kaugnay ng kabiguan ng pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Sa huling taon ng panunungkulan ni FVR noong 1997 nalikha ang “Pag Natatalo / Nanalo ang Ginebra” na nagsabing magkakaleche-leche ang bansa pag na-re-elect ang presidente, “Dahil sa Hirap ng Buhay” na tumalakay sa pag-eeksport ng Pilipinas ng mga OFW, at “Aw Shur” na tumalakay sa pagkasira ng kalikasan. Ang mga isyung panlipunang itoay nagpatuloy at sumalubong sa panunungkulan ni Pangulong Joseph Estrada noong 1998. Panahon ng Panunungkulan ni Pangulong Joseph Estrada at ang Pagpapatalsik sa Kanya sa Ikalawang Pag-aaklas sa EDSA. (1998-2000) Sa ilalim ng pamamahala ni Erap ay walang nilikhang awit si Gary Granada na tahasang bumabatikos sa gobyerno nito. Nalikha niya noong 1998 ang kantang “Si Ka Bayani”na naglalaman ng panawagan sa mga Pilipino na tumulong sa bayan. Naglabas rin siya noong taong iyon ng isang mainstream album na ang pamagat ay “Kahit Ako’y Mahirap” sa ilalim ng Infinity Records.. Ang album na ito ay hindi nagtataglay ng anumang panunuligsa sa gobyerno. . Mula 1999 hanggang 2001 ay naging kolumnista si Gary Granada ng tabloid na Pinoy Times. Kaya kung hindi man nagtataglay ang mga awit niya ng pagbatikos kay Erap ay binatikos naman niya ito sa kanyang Kabarangay kolum sa kanyang artikulong “How To Earn 34 Million A Day in 34 Consecutive Days”, “Jueteng for Godot” “Good x News” at “Murang Sahod sa Mahal na Araw”. Ang mga sanaysay na ito ay mababasa sa garygranada.com kasama ang 24 na iba pang arikulo na nasulat niya sa loob ng tatlong taon. Panahon ng Panunungkulan ni Gloria Macapagal Arroyo (2000-2010) Matapos ang EDSA Dos at nang maupo na bilang pangulo ng Pilipinas si Gloria Macapagal Arroyo noong 2001 ay nagpatuloy ang pagiging kritiko ng musika ni Gary Granada sa mga isyung panlipunan. Bago sumapit ang taong 2002 ay inilabas niya ang album na“Saranggola sa Ulan” kung saan ang pinakamahaba at pinakapolitikal na awit ay ang “Mga Kanta ni Goryo”. Gamit ang medley ng mga melodiya ng mga tradisyunal na awiting Pilipino,tinalakay ng awit ang “bangkang papel” ni GMA, money laundering ng Ping Lacson, sabwatan ng AFP at Abu Sayaf, mabilis na pagkaubos na load ng Smart, Globe at Sun Cellular at ang patuloy na paghihirap ng sambayanan sa ilalim ng bagong administrasyon. Kagaya ng pagpunang kanyang mga awit sa bunga ng EDSA Revolution noong 1986, unti-unti ring inilantad rin sa“Mga Kanta ni Goryo” ang kawalan ng pagbabago pagkatapos ng EDSA Dos at ang pagkakatulad ng pamamahahala nina Cory, FVR, Erap at GMA. Ang pinaniniwalaang malaganap na dayaan sa halalan sa pagkapangulo noong 2004 ay nakaimpluwensiya kay Gary Granada upang makipagsanib pwersa sa iba pang makabayang musikero gaya nina Noel Cabangon, Cookie Chua at Popong Landero upang ilabas ang kantang xi “Values Education” noong 2005. Ang awit na ito ay bamabatikos sa dayaaan sa halalan noong 2004 at ginamit sa mga kilos-protesta upang pababain sa pwesto si GMA. Ang linya ng awit na “wag kang mango- Gloria” ay naging kasingkahulugan ng “wag kang mandadaya”. Bagamat hindi napatalsik si GMA at nagawa pang makatapos ng termino upang maging kongresista, hindi maitatatwang ang kantang “Values Education” ni Gary Granada ang patunay ng pagtatangka niyang patuloy na makisangkot sa kalagayan ng lipunan. Noong 2010 ay idineklara ni Gary Granada na na inilabas na niya ang kanyang pinakahuling album. Ang tinutukoy niyang album ay ang “Basurero ng Luneta” na lumabas noong 2009 na kinabibilangan ng mga awiting “O Kay Sarap” at “Pablong Propitaryo” na dati na niyang nailabas noong 1990 ngunit binigyan ng bagong liriko. Ang dalawang awit na ito lamang sa buong album ang maituturing na may paglalarawan sa mga isyung panlipunan sapagkat ang iba ay tungkol na sa iba’t ibang mga paksa particular ang pansariling niyang karanasan (“Maco, “San Simon” at “Natutunan sa Buhay”. Patuloy si Gary Granada sa pagbibigay ng mga panayam sa mga musikerong nagnanais matuto sa paglikha ng mga makabuluhang awit. Kung lilikha pa rin siya ng mga makabayang awit sa hinaharap ay siya na lamang ang makasasagot. Isa lamang ang tiyak, ang mga naiambag niyang awit sa xii nakaraang 35 taon ay yaman ng panitikan at musikang sariling atin na dapat lamang pag-ukulan ng pagpapahalaga. KONGKLUSYON: Ang mga mahagit 300 awit na nalikha ni Gary Granada magmula 1978 hanggang 2010 ay sumasaklaw sa iba’t ibang tema na hindi kayang matapatan ng sinumang musikero sa Pilipinas. Sa kabila ng kakulangan ng airplay samga istasyon ng radyo at kakulangan ng eksposyur sa telebisyon, naabot ng kanyang musika ang sentemyento ng ordinaryong masa hanggang sa mgaaktibista at intelektuwal; magmula sa panatikong tagahanga ng koponan ng Ginebra hanggang sa mga kadre ng Partdido Komunista; at magmula sa mga relihiyoso hanggang sa mga tagapangalaga ng kalikasan. Nagsimula siya bilang musikerong sumusulat ng mga simpleng love songs at hindi naglaon ay mga kantang papuri sa Diyos patungo sa mga awiting makabayan at may bahid ng liberation theology. Noong 1989 hanggang 1990 ang pinakarurok ng kanyang mga kantang makabayan na ang paksaay mula sa simpleng panawagan ng pagkakaisa (“Tagumpay Nating lahat”)patungo sa pagpapatalsik ng mga base militar ng Amerikano (“Samahan Natin Sila”) at pagpapalaya ng bayan (“Kanser”). Bilang alagad ng sining, masasabing tunay na may kauganyan ang xiii mga pangyayari sa kasaysayan sa mga paksa ng awit ni Gary Granada. Ngunit higit pa dito, nagtangka rin si Gary Granada na maging bahagi sa pagbabago ng kasaysayan ng lipunan. Ang tamis at anghang ng mga liriko ng kanyang awit ay patuloy na malalasahan ng mga tumatangkilik rito at ng mga tatangkilik pa sa hinaharap REKOMENDASYON Kagaya ng nabanggit na , ang pagpili ng animnapung kanta ni Gary Granada sa pananaliksik na ito ay batay sa mensaheng tumalab sa mananaliksik, popularidad ng ilan sa mga awit at ang husay ng pagkakasulat ng mga liriko, at personal na pagpapahalaga ng awtor bilang isa ring musikero. 1. Dahil dito, ipinapanukalang suriin pa ang mahigit 240 kanta na hindi nakasama sa pagsusuri. Partikular sa mga hindi nasuri ay ang mga awit na kabilang sa dalawang musical play na “Sino Ka Ba, Jose Rizal?” at ang “Lean: A Filipino Musical” . Makabuluhan ang mga awit na nakapaloob sa dalawang album na ito na kailangan ng hiwalay na pag-aaral. 2. Upang makatulong sa pagyabong ng kulturang Pilipino, ipinapanukala ng mananaliksik sa mga guro ng Filipino at Araling Panlipunan na gamitin sa klase ang mga awit ni Gary Granada na kung hindi matagpuan sa music store ay maaari namang i- download nang libre mula sa garygranada.com. Marami ring awit si Gary Granada sa youtube na maaaring ipapanood at ipasuri sa mga mag-aaral kaugnay ng mga paksa sa kasaysayan, kalikasan, pananampalataya, pagpapahalaga sa kasarian at iba pang paksa. Ang mga nagtuturo ng wika at panitikan ay maaaring gamitin ang mga awit bilang xiv lunsaran ng pagtalakay sa paksa o instrumento sa paglalagom ng talakayan. 3. Sa mga nagsusulat naman ng aklat sa wika at panitikan, ipinapanukala na isama sa mga reading selections ang mga awit ni Gary Granada na ang mga liriko ay madali naming matatagpuan sa internet. Maaaring iugnay ang mga tema ng awit sa mga akdang pampanitikang kabilang sa minimum learning competencies na itinatakda ng DepEd. 4. Ipinapanukala rin ng mananaliksik na ang pagbibigay ng “Gawad Balagtas” kay Gary Granada mula sa Komisyon ng Wikang Filipino (KWF). Ang ganitong parangal, wala mang kasamang pinansyal na gantimpala ay tiyak magbibigay ng motibasyon sa kanya upang magpatuloy sa paglikha ng mga makabuluhang awit. Kung posible, isama si Gary Granada sa mga dapat mahalal bilang Pambansang Alagad ng Sining sa larangan ng musika. 5. Sa mga nag-aaral ng musika, ipinapanukalang pakinggan ang mga awit ni Gary Granada na ang lahat ng genre ay nasakop magmula sa folk, rock, reggae, ska, ethnic march, jazz, rhythm and blues at iba pa. Isa siyang musical genius na ipinagkait sa atin ng mass media na kontrolado ng mga kapitalista. Ang tamis at anghang ng kanyang mga awit ay magbibigay ng bagong dimensyon sa mga naghahanap ng kahulugan at kabuluhan sa musika bilang sining.
Abstract Format
html
Language
Filipino
Format
Electronic
Accession Number
CDTG005241
Shelf Location
Archives, 12F Henry Sy, Sr. Hall
Keywords
Gary G. Granada, 1960- —Criticism and interpretation; Musicians—Philippines; Political ballads and songs—Philippines
Recommended Citation
Malabanan, J. C. (2012). Pagtikim sa tamis at anghang ng mga awit ni Gary Granada: Peryodikong pagsusuri sa kanyang mga komposisyon mula 1978 hanggang 2012. Retrieved from https://animorepository.dlsu.edu.ph/etd_masteral/6872
Embargo Period
6-12-2023