Date of Publication

2004

Document Type

Master's Thesis

Degree Name

Master of Science in Psychology Major in Clinical Psychology

Subject Categories

Clinical Psychology

College

College of Liberal Arts

Department/Unit

Psychology

Thesis Adviser

Roberto Mendoza

Abstract/Summary

Fokus ng pag-aaral na ang Nagselos at Pinagselosan: Mga Karanasan Ukol sa Anyo, Expresyon, Kinahinatnan at Pag-agapay sa Selos ng mga Kalalakihang Relihiyoso. Layunin nito na tuklasin ang implikasyon ng selos sa buhay ng mga lalaki na nabibilang sa isang banal na kapatiran, sa mga pari at relihiyosong kapatiran dito sa Pilipinas. Sasagot ang pag-aaral na ito sa mga sumusunod na katanungan: 1.Anu-ano ang mga anyo, kalikasan at palatandaan ng selos ayon sa mga relihiyosong kapatirang kaparian? 2. Anu-ano ang mga uri ng ekspresyon ng selos sa mga paring relihiyoso sa Kalakhang Maynila? 2.1. Paano naipakikita ang selos sa loob ng ministeryo, gawain, samahan at pangako? 2.2. Anu-ano ang ibat ibang pagkakataon na pinagmumulan ng selos? 2.3.Anu-ano ang mga tanging problema na humahantong sa selos? 3. Anu-ano ang epekto ng selos sa sarili, sa ibang tao, personal, sikolohikal, biolohikal at ispiritwal? 4.Paano nasusulusyonan ang selos? Deskriptibo ang uri ng disenyong ginamit ng mananaliksik sa pag-aaral nito. Dito inilalarawan ang mga ibat ibang karanasan sa kanilang mga ministeryo, gawain, relasyon, at sumpa. Ginamitan ito ng interbyu na may dalawang bahagi: 1. Mga Tanong Kaugnay ng Pansariling Impormasyon nakasaad dito ang pangalan, edad, lugar, at petsa ng kapanganakan, pinag-aralan, nakatalagang katungkulan, bilang ng taon sa loob ng kapatiran at iba pang ginawa. 2. Mga Tanong Tungkol sa Selos nakapaloob dito ang konsepto ng selos, ugat, biyolohikal, emosyonal, at pisikal na palatandaan, ang epekto nito sa sarili at kapwa, at kung paano nalutas ng banal na kapatiran ang mga ito. Isinagawa ang pag-aaral na ito sa pamamagitan ng pag-iintebyu sa labinlimang (15) katao na nabibilang sa relihiyosong kapatiran at kaparian na nakaranas na nagselos at pinagselosan kaugnay ng pakikisama, asaynment, ministeryo, pagsunod, at pagiging dukha. Sa pagsusuri ng datos, ginamitan ito ng kwalitatibong metodo. Ihinain ang bawat isang kasali na tulad ng isang case study o pag-aaral ng kaso. Sinuri ng mananaliksik ang laman ng bawat panayam upang gawing kwalitatibong datos. Sinuri ayon sa kung ano, paano, at bakit nararanasan ng isang pari ang selos sa kanilang buhay na pangsarili, sikolohikal, pisyolohikal at ispiritwal. Buod ng Resulta ng Pag-aaral Ayon sa kinalabasan ng pananaliksik, nakita na walang pinag-iiba sa ordinaryong tao ang mga kalalakihang relihiyoso. Nakadarama rin sila ng mga damdaming nagpapatunay na ganap na tao sila. Tao rin sila na may pusong nasasaktan. Nakita rito na mas mapagbigay ang mga batang pari kaysa sa matatandang pari. Lumalabas na maramdamin ang mga matatandang pari na maaaring naghahanap ng atensyon sa kanyang kapwa pari. Nalaman din dito na katulad din ang kapatirang pari ng mga magkakapatid na nagseselosan ngunit mas matindi ang kanilang alitan sa pamamagitan ng hindi pagkikibuan ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon. Napag-alaman din sa pag-aaral na ito na sa pamamagitan ng mga karanasan lalong naging malalim ang pagkilala sa tunay na buhay ng tao, nahubog ang kagandahang-asal na nagawang positibo ang negatibo at ang lahat ng tao, relihiyoso man o hindi, dapat tumanggap ng mga pagbabago sa kanyang iniisip, nararamdaman, ikinikilos, at sinasabi. Malaki ang epekto sa buhay ng relihiyosong kapatiran ng mga gawaing may relasyon sa sariling pagkatao, ibang tao, kapaligiran, mga kasama sa pamayanan, at buhay panalangin. Nagdulot sa kanila ang naging epekto ng pagbabago tungo sa magandang samahan. Nabanggit sa pag-aaral na ito na upang maiwasan o mawala ang selos sa isat isa, kailangang bukas ang kalooban ng bawat isa sa mga nangyayari. Natural lamang na may selosan ngunit hindi dapat palubhain ito, bagkus bigyan agad ng solusyon nang sa gayon, magiging maganda ang takbo ng samahan. Dapat manguna rito ang mga may malawak at marami nang karanasan na nakapagpapatingkad sa kapatiran. May mga paraan na nabanggit tulad ng pakikipagbati o pakikipag-usap sa taong iyong napagseselosan o nagseselos sa iyo sa maganda at mahinahon na paraan. Kalakip nito, mataimtim na pagdarasal upang maliwanagan ang bawat isa sa ikapapanuto ng samahan. Pagkatapos nito, lalong titingkad at yayabong ang pagmamahalan, maganda ang pakiramdam at dito makikita ang tunay na pagkatao. Ayon sa isang kalahok, madaling bigyan ng solusyon o iwasan ang selos, kailangan lamang ang matapat na pakikipag-usap sa isat isa, huwag magkaroon ng sama ng loob, magpaliwanagan at tumanggap ng pagkakamali, ibig sabihin, bukas at matapat ang kalooban. Konklusyon Mula sa kinahinatnan ng pag-aaral na ito, nakaapekto ang sinasabing selos sa buhay ng tao, positibo man o negatibo. Sa pamamagitan ng kanilang karanasan hinggil sa selos, nagkaroon sila ng magandang aral sa buhay, napalalim ang kanilang pakikipagkapwa at pananalig sa Diyos. Hinamon din sila ng malalim na kamulatan at magandang pananaw bilang isang taong nagtalaga ng kanilang sarili sa kapatirang relihiyoso na dapat mabuting halimbawa sila, may kahanga-hangang magandang ugali na nakapagbibigay ng magandang aral o payo sa kanilang kapwa pari at sa mga karaniwang tao na kanilang nakakasalamuha. Rekomendasyon . Base sa kinalabasan ng pananaliksik na ito, inirekomenda ang mga sumusunod: 1) Magkaroon ng panibagong pangako o sumpa bilang pari na dapat isipin na sila ang mga taong mapagkakitaan ng magandang halimbawa ng mga tao. Magandang gawin ito tuwing nagdiriwang sila ng anibersaryo ng kanilang buhay relihiyoso o pagkapari. 2) Magkaroon ng pagbubuklod ng pangkat, paggunita, pagmumuni-muni, at pagninilay ng kalalakihang kapatiran at iba pang gawain na makatutulong sa kanila na makapagbigay ng higit na magandang kapatiran o samahan nang walang selosan upang maitaas ang disiplina at moralidad sa loob ng kapatiran. 3) Tungkulin ng mga relihiyosong kapatiran na talakayin sa bawat isa ang kanilang mga pagdududa sa gawain o katungkulan upang maiwasan ang selosan. 4) Para sa karagdagan pang pag-aaral, kailangang isama pa ang magagandang gawain at tungkulin ng mga relihiyosong kapatiran na hindi napasama sa pag-aaral na ito upang lalong mapalalim ang pag-aaral.

Abstract Format

html

Language

Filipino

Format

Electronic

Accession Number

CDTG003875

Shelf Location

Archives, The Learning Commons, 12F Henry Sy Sr. Hall

Physical Description

1 computer optical disc ; 4 3/4 in.

Keywords

Jealousy--Religious aspects; Emotions; Coping behavior; Man-woman relationships

Upload Full Text

wf_yes

Share

COinS