Date of Publication

7-2020

Document Type

Dissertation

Degree Name

Doktor sa Pilosopiya sa Araling Filipino - Wika, Kultura, Midya

Subject Categories

Education | Other Languages, Societies, and Cultures

College

College of Liberal Arts

Department/Unit

Filipino

Thesis Adviser

Rhoderick V. Nuncio

Defense Panel Chair

Raquel E. Sison-Buban

Defense Panel Member

Dexter B. Cayanes
Melania L. Flores
Lakangiting C. Garcia
David Michael M. San Juan

Abstract/Summary

Isa sa pinakamalaking hamon sa ika-21 siglo na pagtuturo at pagkatuto ay ang pagkamit ng kasanayang magagamit ng mag-aaral sa kanilang pangmatagalang pagkatuto. Patuloy at nagpapatuloy ang paghubog ng ating kurikulum upang maging behikulo ito sa pagtatagumpay ng ating mga mag-aaral. Lilinangin nito ang mga kinakailangang kaalaman, kasanayan, at pagpapahalaga, na maghahanda sa kanila sa kanilang napakalaking papel sa lipunan na magmumula sa kanilang mga pangangailangang pansarili na magbubunsod sa kanilang epektibong paglahok sa mga panlipunang usapin mula ngayon hanggang sa hinaharap.
Kung titingnan naman ang Filipino bilang isang larangan ng pagkatuto sa antas ng sekondarya, ang pangunahing mithiin nito ay makapagpatapos at makapagdebelop ng isang mag-aaral na may mabisang kasanayan sa komunikasyon. Ayon kay Badayos (2010), may malaking papel na ginagampanan ang kurikulum na umiiral sa kasalukuyang panahon. Ang mga set ng mga organisadong karanasan sa pagkatuto gaya ng programa, kurso, at iba pang gawaing pampaaralan na naglalaan sa mga mag-aaral sa higit na malawak at temang pangnilalaman ay nagbibigay sa mga mag-aaral ng oportunidad na matutuhan ang aralin sa pamamagitan ng higit na kontekstwalisadong mga karanasan sa pagkatuto, dahil na rin sa mga malawak na linkages sa mga pagkatutong ibinase sa paaralan at pagkatutong nagaganap sa lugar ng paggawa at maging sa mga komunidad na kasangkot dito. Nabibigyan din sila ng oportunidad na mailantad sa mga malawakang awtentikong karanasan na nagbibigay ng malawakang pagkakataon sa kanila na maipalabas ang potensiyal na paghahanda sa kanila sa higit na mas mataas na antas ng edukasyon at maging paghahanapbuhay.
Sa kabila ng maraming usaping kinakaharap ng sistema ng edukasyon sa kasalukuyan ay inilunsad kamakailan ng Pamahalaan ng Pilipinas sa pamamagitan ng Kagawaran ng Edukasyon ang bagong sistema ng edukasyon sa bansa. Isinulong nila ang Kindergarten to 12 (K to 12) na programa sa lahat ng mga paaralan sa buong bansa. Binabalangkas ng programang ito ang labintatlong taong pag-aaral ng mga mag-aaral na magmumula sa Kindergarten at magtatapos sa Baitang 12. Nahahati ito sa tatlong yugto: Elementarya, na binubuo ng anim (6) na taon, Junior High School, na binubuo naman ng apat (4) na taon, at Senior High School, na binubuo ng huling dalawang taon. Lumalabas na sa binagong sistemang ito ay may karagdagang dalawang taon bago makapasok sa kolehiyo ang isang mag-aaral.
Ilan sa mga tinitingnan na dahilan sa pagsusulong ng programang ito ay ang mahinang resulta sa mga pandaigdigang pagtataya pagdating sa Matematika, Agham, at Ingles. Lumalabas kasi na napakababa ng mayoryang resultang nakalap ng kagawaran mula 2005 – 2010, na hindi umabot sa kalahati ng kabuuang marka na makikita sa iba’t ibang dokumentong ipinalabas ng kagawaran tulad ng DepEd Order No. 72, Series 2011. Pinatibay pa ito ng ilang mga pag-aaral na isinagawa sa mga paaralan sa bansa katulad ng Trends in International Mathematics and Science Study (TIMMS), na nagpakita ng napakababang ranggo ng ating bansa na hindi man lamang umabot sa pandaigdigang pamantayan. Gayundin ang makikita sa Quacquarelli Symonds (QS) Asian Rankings, na napakalayo ng naging ranggo ng mga pangunahing pamantasan sa ating bansa. Idagdag pa rito ang mas lalong lumayong ranggo ng mga pamantasang ito pagdating sa pandaigdigang pagsukat ng kahusayan pagdating sa mga pamantasan.
Sa mas malalim na pagtingin, saan nga ba nagmumula ang tila lumalalang suliranin ng ating bansa pagdating sa mga usaping pang-edukasyon? Bakit nga ba sa kabila ng napakaraming mga pagsasanay, palihan, at mga gawaing pang-edukasyong inilulunsad sa bansa ay lalong nagkakaroon ng problema sa paglipas ng panahon?

Abstract Format

html

Language

Filipino

Format

Electronic

Physical Description

222 leaves

Keywords

Filipino language--Study and teaching; High school students

Upload Full Text

wf_yes

Embargo Period

9-19-2022

Share

COinS