Pagpopook ng kapangyarihang politikal: Prosesong elektoral sa probinsya ng Tayabasm 1846-1898 by Macarandang, Gilbert Escobar.
Date of Publication
2015
Document Type
Dissertation
Degree Name
Doctor of Arts in Language and Literature Major in Filipino
College
College of Liberal Arts
Department/Unit
Filipino
Thesis Adviser
Ubaldo, Lars Raymond C., Dr.
Abstract/Summary
Itinuturing bilang mahalagang gawaing politikal noong ika-19 na dantaon ang eleksyon/halalan kung kailan nagaganap ang pagpili sa magiging pinuno ng mga bayan sa Pilipinas. Nakapaloob sa mga batas, dekreto, at sirkular na ipinatupad sa Pilipinas sa panahon ng Español ang pamamaraan o proseso na kailangang sundin para sa halalan upang maging lehitimo ang kapangyarihan ng mapipiling gobernadorcillo. Sinasalamin ng mga batas panghalalan ang kalagayang politikal ng bansa hinggil sa ugnayan ng estado, simbahan, at elit sa lipunan.
Dinalumat sa pag-aaral na ito ang konsepto ng pagpopook bilang espasyo ng pag-iisantabi, pagpoposisyon, pagpapantay, at pagtatanghal ng kapangyarihang politikal sa prosesong elektoral sa probinsya ng Tayabas. Ang pag-iisantabi ay isang espasyo na tumutumbas sa kahinaan ng isang institusyon dulot ng dominasyon ng isa/iba pang institusyon. Mahalaga ito sapagkat makikita rito ang pagpoposisyon ng makapangyarihang institusyon at upang maiwasan ang pag-iisantabi at pagpoposisyon, ipinapatupad ang check and balance bilang pagpapantay ng kapangyarihang politikal. Sa kahulihan, naitatanghal sa pagpopook ang pagiging el rey del pueblo ng gobernadorcillo.
Pinopook ng pag-aaral na ito ang umiiral na espasyo (gilid at sentro) sa tunggalian ng kapangyarihang politikal ng simbahan, estado, at elit sa pagsasagawa ng eleksyon batay sa ipinatupad na batas panghalalan sa panahon ng kolonyalismong Español. Isinakonteksto ang pagpopook ng kapangyarihang politikal sa tatlong batas panghalalan sa bansa – (1) Ordenanzas de Buen Gobierno, 1768 (2) Circular de Octubre 5, 1847 at (3) Real Decreto de 19 de Mayo de 1893.
Pansinupang pananaliksik ang metodolohiyang ginamit sa pananaliksik na ito. Sinuri ang mga dokumento na may kaugnayan sa pag-aaral para sa pagbubuo ng naratibong pangkasaysayan hinggil sa suliraning inihain nito patungkol sa kapangyarihang politikal sa halalang lokal sa probinsya ng Tayabas noong ika-19 na dantaon. Sa pagsusuri at paglalahad ng pangyayari, ginamit ang pagsusuring historikal, ibig sabihin, dinalumat at ipinakita ng pananaliksik na ito kung paano nangyayari sa prosesong elektoral ang pagpopook ng kapangyarihang politikal ng kura paroko, elit, at gobernador sibil.
Abstract Format
html
Format
Electronic
Accession Number
CDTG006699
Shelf Location
Archives, The Learning Commons, 12F Henry Sy Sr. Hall
Recommended Citation
Macarandang, G. E. (2015). Pagpopook ng kapangyarihang politikal: Prosesong elektoral sa probinsya ng Tayabasm 1846-1898 by Macarandang, Gilbert Escobar.. Retrieved from https://animorepository.dlsu.edu.ph/etd_doctoral/1301