Pananahimik: Isang mungkahing paraan ng pagninilay tungo sa kapanatagan ng kalooban
Date of Publication
2016
Document Type
Dissertation
Degree Name
Doctor of Education Major in Religious Education and Values Education
Subject Categories
Religious Education
College
College of Liberal Arts
Department/Unit
Theology and Religious Education
Thesis Adviser
Rebecca G. Cacho
Defense Panel Chair
Ricardo M. Puno
Defense Panel Member
Delfo C. Canceran
Dennis S. Erasga
Josefina C. Mangahis
Luis C. Sembrano
Abstract/Summary
Naglayong ilahad ng pag-aaral na ito ang paraan at talab ng pananahimik bilang mungkahing pamamaraan ng pagninilay tungo sa kapanatagan ng kalooban. Ninais suriin kung ano ang naging halaga sa pananahimik sa karanasan ng mga Pilipino. Paano ito isinasagawa, at ano ang nagiging epekto nito sa mga kalahok. Gayundin ang halaga ng gawi na ito sa Pamana ng Pananampalatayang Hudio-Kristiyano, at kung paano ito isinagawa sa iba't-ibang Tradisyon ng Simbahan at nanatiling bahagi ng kasaysayan nito.
Isang pagsasakultura, pagsasakatutubo o kontekstuwalisasyon ang pag-aaral na ito na nagsasaalang-alang ng kahalagahan at paggamit ng kultura upang isabuhay ang ating pananampalataya. Ang pag-aaral ay deskriptibo (descriptive) at kwaliteytib (qualitative) sa pangkalahatan, kung saan gumamit ng triangulation method: pagsasarbey, pakikipanayam at pagsusuri ng mga literatura at pag-aaral kaugnay ng pananahimik upang makapangalap ng datos.
Sa pangangalap ng datos, gumamit ang mananaliksik ng tiyak na instrumento ng open-ended na talatanungan, gabay na tanong para sa maliliit na grupong talakayan, at gabay sa pakikpanayam. Inilahad ang mga datos batay sa bilang ng tugon at bahagdan nito. Binalangkas ang mungkahing proseso ng pagninilay sa pananahimik, matapos mailapat ang mga natatanging natuklasan mula sa talaban ng karanasan ng mga Pilipino sa pananahimik at sa Pamana ng pananampalatayang Hudio-Kristiyano. Bumuo rin ng maikling modyul na napapaloob ang mungkahing pamamaraan ng pananahimik at pagninilay. Ginamit ang proseso ng pagtatalaban ni de Mesa upang suriin ang mga datos na nakalap mula sa pangkulturang pagsusuri ng pananahimik, at sa pangkasaysayang pagbabasa ng pananahimik mula sa Pamana ng Pananampalatayang Hudio-Kristiyano. Matapos buuin at subukin ang mungkahing balangkas ng pagninilay, nilahad at sinuri ang implikasyong mungkahing paraan na ito sa Edukasyong Panrelihiyon.
Ang binuong mungkahing balangkas ng pagninilay sa pamamagitan ng pananahimik ay may apat na yugto: una, ang paghahanda upang manahimik, ikalawa, ang pagninilay ng mga Pilipino na kinapapalooban ng pag-uusap at pagbabahaginan, kaisa ng malayang pagpapahayag ng saloobin, ikatlo, pagpapahayag, pagtitipon ng mga hangarin at pagbuo ng ritwal, at ikaapat, pag-aalay.
Pinatunayan ng datos na nakalap na mayaman ang pananahimik ayon sa Kulturang Pilipino, at ang likas na katangiang ito kung malilinang ng bawat Pilipino ay maaaring maging daan upang panatilihin ang kapanatagan ng kalooban sa kabila ang gulo at ingay sa loob o labas man ng sarili, hindi lamang sa bahaging pang-espirituwal kundi maging sa ibang dimensyon ng pagkatao, katulad ng pakikipagkapwa.
Yamang ang pag-aaral na ito ay simulang pagtatangka upang bumuo ng isang mungkahing paraan ng pagninilay ayon sa kulturang Pilipino at Pamana ng Tradisyong Hudio- Kristiyano, maaaring saliksikin sa mga susunod na pag-aaral ang ibang aspekto upang bigyang katiyakan ang natuklasan ng kasalukuyang pananaliksik. Maaaring gamitin ang mga elementong ginamit sa pagbuo ng mungkahing paraan ng pagninilay sa pagbalangkas ng mga gawaing pangespirituwal o spiritual formation activities ng mga mag-aaral at kawani ng paaralan.
Napatunayan ng pag-aaral na may kabutihang naidulot sa mga kalahok ang pagsasakultura ng pananampalataya, kung kaya maaaring maging halimbawa ito at pasimula ng marami pang mga pagtatangka na isakultura ang mga gawi at paraan ng Pananampalatayang Kristiyano ng mga Pilipino.
Abstract Format
html
Language
Filipino
Accession Number
TG06146
Shelf Location
Archives, The Learning Commons, 12F Henry Sy Sr. Hall
Physical Description
vi, 341 p., illustrations, 24 cm. + ; 1 computer optical disc.
Keywords
Silence -- Religious aspects; Religions; Christianity -- Philippines
Recommended Citation
Javier, D. P. (2016). Pananahimik: Isang mungkahing paraan ng pagninilay tungo sa kapanatagan ng kalooban. Retrieved from https://animorepository.dlsu.edu.ph/etd_doctoral/1058