•  
  •  
 

Malay Journal

Abstract

Tinalakay ng papel na ito ang karanasan ng mga aseksuwal na Pilipino gamit ang depinisyon ng aseksuwalidad nina Luke Brunning at Natasha McKeever bilang batayan. Isinagawa ang pakikipanayam sa apat na aseksuwal na Pilipino upang malaman ang kanilang proseso ng pagtuklas at pagtanggap sa kanilang aseksuwal na identidad, gayundin ang mga hamong kanilang hinarap sa isang lipunang hayperseksuwal. Naipakita sa papel na nagkakaiba ang bawat indibidwal sa pagtuklas at pagtanggap sa kanilang sarili, at walang iisang landas tungo sa pagkilala sa aseksuwal na identidad. Hinamon din ng mga ito ang mga karaniwang estereotipo tungkol sa aseksuwalidad, tulad ng maling paniniwalang walang interes ang mga aseksuwal sa pakikipagrelasyon at pakikipagtalik. Ibinahagi rin ng mga kalahok ang mga paraan nila ng pakikiayon sa normatibong lipunan at ang mga suliraning kanilang hinaharap, tulad ng pagsasantabi, pagdududa sa sarili, at ang pagtingin sa kanilang aseksuwalidad bilang pansamantala, bunga lamang ng masamang karanasan, at kawalan ng karanasan. Hinamon ng papel na ito ang dominanteng paniniwalang likas sa lahat ng tao ang seksuwal na atraksiyon, at binigyang-diin ang kahalagahan ng pag-unawa sa mga karanasan ng mga aseksuwal upang mabuwag ang stigma at mapalawak ang kamalayan ng bawat isa hinggil sa iba’t ibang uri ng seksuwal na identidad. Dahil sa kakulangan ng kamalayan sa aseksuwalidad sa lipunang Pilipino, ipinakita ng papel na ito ang mga estratehiyang binuo ng mga aseksuwal upang harapin ang iba’t ibang hamon at suliranin, kabilang na ang paghahanap ng ligtas na espasyo, pakikipag-ugnayan sa kapuwa aseksuwal, at ang unti-unting pagbubunyag ng kanilang identidad sa pamilya at mga kaibigan. Natuklasan sa papel na bagaman kinikilala ng mga kalahok ang mga sarili nila bilang bahagi ng aseksuwal na komunidad, magkakaiba pa rin ang paraan ng pagpapahayag nila ng kanilang sarili, gayundin ang kanilang pananaw sa seksuwalidad, relasyon, at pagiging bahagi ng mas malawak na komunidad ng LGBTQIA+.

Share

COinS