•  
  •  
 

Malay Journal

Abstract

Habang pinagkaabalahan sa mga nakaraang dekada ng teoretisasyon at pagdidiskurso sa kaisipan (pysche), pagkatao, pilosopiya, at iba pang sosyo-kultural-siyentipikong pag-aaral ng pagka-Pilipino at pagkataong Pilipino, hindi pa gaanong napalalawig ang antas ng somatikong lipunan o pag-aaral sa “katawang tao” o “katawan ng tao” bilang lunsaran ng politikal at kultural na pagsipat. Bagaman, isa sa dakilang ambag ni Prospero Covar ang eskema ng “pagkataong Pilipino” lakip ang selektibong pagpapalawig sa ilang bahagi ng katawang Pilipino, may iba pang bahagi ng katawan ang kailangan pang mapag-aralan. Tinutuklas ng pag-aaral na ito ang panimulang pagpapakahulugan sa butò at púki na lagpas sa kinasanayang disiplinang biolohikal at anatomikal na karaniwang kumakanlong sa ganitong usapin. Naniniwala ako na kailangang pag- isipan kung minsan ang kinasanayan nating binarikong pagtingin sa mga “ari” at samakatwid sa mga “kasarian” na ikinakahon lamang bilang batayan ng tila pagkakahati, pagkakaiba, at segregasyon. Bilang resulta, lumitaw ang paghahari ng butò bilang isang “ari” na kalaunan ay mauuwi sa sexismo at machismong pananaw na kinatigan ng patriyarka at karahasan ng lipunan para sa tinurang “iba pang kasarian.” Kung tutuosin, ito ay bunga lamang ng transisyonal na panahong pinagdaanan ng mga Pilipino na samakatwid, kailangan nating balikan ang halaga ng sinaunang pamayanan upang makita ang butò at pùki bilang nagtatalabang elemento ng pagkataong Pilipino. Ito ay upang pakinabangan at magkaroon ng makabago at mapagpabagong kahulugan ang mga Pilipino sa kasarian at seksuwalidad. Sa pamamagitan ng tinutungtungang balangkas ng Araling Kabanwahan o isang pag-aaral hinggil sa pag-uugnay at/o mga kaugnay na bayan at/o bansa, at mga banwa (bayan), sisiyasatin ang naging talaban ng butò at púki na nasalamin sa mga salaysaying bayan. Ang pagtatalabang ito ng butò at puki ay umiikot sa isang implikasyon at kahulugang nagsasalungatan at nagtutulungan ang dalawang kategorya.

Share

COinS