•  
  •  
 

Malay Journal

Abstract

Ang pag-aaral na ito ay nakapokus sa leksikal na baryasyon ng mga terminong Filipino, Bikol, at Cebuano na may kaugnayan sa panginabuhian o gawaing pangkabuhayan. Sa pagsusuri ng mga datos, gumamit ng konseptuwal na balangkas na nakapokus sa salik ng heograpiya-wika-kultura-hanapbuhay upang masipat ang tumbasan ng terminong Filipino, Bikol, at Cebuano. Ang listahang NPML (sumasagisag sa apelyido ng mga awtor) ay probisyonal na listahan ng 132 mga salitang-pakahulugan pangkabuhayan na nakabatay sa Filipino at tinumbasan sa Bikol at Cebuano/Bisaya. Hango ito sa inspirasyon mula sa pagkagawa ni Morris Swadesh ng kaniyang 100 salitang may unibersal na pakahulugan sa iba’t ibang wika sa mundo. Nilalayon ng papel na (a) maisa-isa ang mga salik na nakaaapekto sa leksikal na baryasyon ng mga terminong Filipino, Bikol, at Cebuano na may kaugnayan sa gawaing pangkabuhayan; at (b) masuri ang leksikal na baryasyon ng mga terminong Bikol at Cebuano batay sa pinagbatayang mga salita o wika sa Filipino. Nilagyan ng salin sa Ingles ang Filipino dahil bahagi ito ng binubuong online Filipino learner’s dictionary na isang proyekto sa leksikograpiya sa antas-gradwado ng Departamento ng Filipino sa DLSU. Lumabas sa analisis na may mga baryasyon at tumbasan sa pagitan ng wikang Cebuano at Bikol at gayundin may mga lokal na termino sa wikang Cebuano at Bikol na naging bahagi na bilang bokabularyo ng Filipino, ang wikang pambansa. Natatangi ang pag-aaral na ito dahil sinikap na ipakita ang ugnayan, pagkakatulad at pagkakaiba ng mga wika sa bansa ayon sa espesipikong kontekstong pangkabuhayan na mahalaga sa bawat Filipino. Higit sa lahat, pinatutunayan sa proyektong ito na ginagampanan ng wikang Filipino ang tungkulin nito bilang “tagapagdaloy na wika” ng mga wika sa bansa.

Share

COinS