•  
  •  
 

Malay Journal

Abstract

Malaki ang pagbabagong hatid ng kolonyalismo sa ating sining lalo na ang panitikan na bunsod ng pagbabagong-bihis ng lipunang Pilipino. Kabilang sa mga kalinangang bayang pilit ipinalimot ay ang mayamang panitikan ng mga katutubo. Nawala ang mga kuwentong-bayan, mga kaalamang-bayan, awiting-bayan at ilan pang mga anyo ng pabigkas na panitikan ng ating mga ninuno. Nagkaroon din ng pagkakahati sa panitikan dahil sa pamantayan at anyo ng pagsulat na ipinakilala ng mga dayuhang mananakop. Ang pagkakahating ito, na ipinanunukala sa papel na ito ay tatawaging Dambuhalang Pagkakahating Pampanitikan., ang Panitikang Elite vs. ang Panitikang Masa. Nabibilang sa Panitikang Elite ang mga kilalang awtor na bumubuo sa tinatawag nilang “Pambansang Panitikan”, mga akdang nalathala sa malalaking palimbagan, nasusulat sa wikang Espanyol o Ingles, at nakabatay o dulot ng kaisipang kolonyal, at pasulat na paraan ng panitikan. Sa kabilang banda, nabibilang naman sa Panitikang Masa ang mga manunulat ng mga rehiyonal na akda, mga akdang bernakular na nalathala sa mga magasin lamang, mga akdang pamana ng mga sinaunang Pilipino, at panitikang pabigkas ang paraan. Sa panahong ito ng teknolohiya at edukasyong maka-global, mahalagang balikan natin ang mga ugat ng ating pagka-Pilipino tulad ng ating mga sinaunang panitikan at mga panitikan sa rehiyon sapagkat ang mga kaisipang nagmumula sa mga ito ay magbibigay sa atin ng pag-unawa kung sino tayo bilang mga Pilipino. Naghahain ang ating mga akda, lalo na ang mga akdang nasa uring pangmasa ng pinakamalinaw na salamin kung sino tayo bilang mga tao, inilalahad nito ang pinakamalalim na diwa nating mga Pilipino. Kung gayon, kailangan nating basahin o pakinggan ang sinasabi ng mga akdang itong mag-uugat o nag-uugat sa ating Kapilipinohan bilang isang mahalagang sangkap sa pagbubuo ng isang Pambansang Panitikan.

Share

COinS