•  
  •  
 

Malay Journal

Abstract

Maituturing ang unang mga dekada ng dantaon 19 sa Kasaysayan ng Pilipinas bilang panahon ng pag-iral ng hidwaan at kawalan ng pagtitiwala sa isa’t isa ng dalawang uri ng mga Espanyol – ang peninsulares (ipinanganak sa Espanya) at ang mga creole (ipinanganak sa Pilipinas). Sa panahong 1820s-1840s, hindi lamang naging tagapagtaguyod ng mga pagbabago sa pamahalaang kolonyal ang mga creole (hijos del pais o insulares) kundi nanguna pa sa mga pag-aalsa (Konspirasyong Bayot, 1822; Pag-aalsa ni Novales, 1823; at Konspirasyong Palmero, 1828). Maging ang mga pag-aalsa ng mga taal na katutubo noong 1841 (Cofradia ni Hermano Pule) at 1843 (Rehimiyentong Tayabas ni Sarhento Irineo Samaniego) ay pinaniniwalaang sinuportahan ng mga creole. Gamit ang mga primarya at sekundaryang batis, tatangkain ng saliksik na ipakita ang pakikisangkot at impluwensya ng mga creole sa pag-asam ng pagbabago at kalayaan ng Pilipinas. Lumabas sa pag-aaral na hindi lamang mga katutubong Pilipino (indio) ang naghimagsik sa mga Espanyol kundi maging ang mga Espanyol din mismo. Makatutulong ang saliksik na ito sa pagkakaroon ng kabuuang pagtingin sa tradisyon ng mga pag-aalsa at himagsikan sa Pilipinas at sa pagpapahalaga sa ginampanang papel ng mga creole sa kanilang pag-asam ng pagbabago at kalayaan ng kolonya noon pa mang unang bahagi ng dantaon 19.

Share

COinS