Date of Publication

4-2025

Document Type

Dissertation

Degree Name

Doktor sa Pilosopiya sa Araling Filipino - Wika, Kultura, Midya

Subject Categories

Indigenous Studies

College

College of Liberal Arts

Department/Unit

Filipino, Departamento ng

Thesis Advisor

Rowell D. Madula

Defense Panel Chair

David Michael M. San Juan

Defense Panel Member

Raquel E. Sison-Buban
Deborrah S. Anastacio
Leslie Anne L. Liwanag
Lars Raymund C. Ubaldo

Abstract/Summary

Isang katangian ng kultura ay ang pagpupunyaging maiangat ang mga tradisyon na nagbibigay ng kasarinlan at ideolohiya ng isang komunidad. Nagpapakita ito ng kaugalian, tradisyon, paniniwala o relihiyon na hinabi ng matagal na panahon at ang ilan ay nanatili pa rin sa kasalukuyang pag-iral. Nagsisilbi rin ang kultura na pintuan nang nakaraan na nagsasalaysay ng mga katangi-tanging kaganapang maaaring magbigay ng aral at kabatiran sa kasalukuyan. Ang pag-aaral na ito ay naglalayong suriin ang intelektwal na talambuhay ng isang iskolar na nagmapa ng kultura at panitikang Mangyan sa Araling Pilipinas gamit ang lente ni Schleiermacher. Ang mga tiyak na layunin ng pag-aaral na ito ay; 1) ilarawan ang naging talambuhay na Antoon V. Postma bilang isang paring misyonaryo at bilang isang bahagi sa pangkat Hanunuo, Mangyan; 2) maglahad ng mga dominanteng temang naisulat ni Postma mula sa mga tesktong pagbabatayan ng pagkuha ng datos na nagtataguyod sa pagsulong ng Araling Mangyan/ Mindoro; 3) maghain ng impluwensya ng mga kontribusyon ni Postma hinggil sa pagsasagawa at pagpapakahulugan sa Araling Mangyan/ Mindoro sa Araling Pilipinas batay sa kaniyang naging pamamaraan, mga paksa, at teoretikal na ambag. Ginamit ng mananaliksik ang Deskriptibong Pag-aaral Batay sa Pansinupang Pananaliksik at Gawaing Pansilid-Aklatan (Archival Research and Library Work). Ang pagtatala, pagsisinop, at pag-iisa-isa sa nilalaman ng mga naisulat ni Postma ang naging batayan ng mananaliksik upang matukoy ang mga pangkalahatang diskurso o temang naisulat ni Postma na nagsusulong ng identidad ng kultura at panitikang Mangyan. Naging batayan ng mananaliksik ang lente ni Scheleirmacher sa kaniyang teoryang Hermeneutics na ang pagpapakahulugan ng mananaliksik sa mga tekstong kultural ni Postma ay isang mahalagang gawain at gampanin sapagkat nagbibigay daan ito sa masusing pagpapakahulugan o interpretasyon at pagpapahalaga sa kahulugan ng tekstong pangkultura. Sa pag-aaral sa intelektwal na talambuhay ni Postma ipinakita ang pagkakaroon ng iba’t ibang akda na naging ambag niya sa mundo ng kasaysayan, wika, antropolohiya, at kultura. Nakasalamuha niya sa kaniyang isinagawang pagmimisyon ang mga pangkat-etnikong Hanunuo, Mangyan na nagbigay ng daan upang matuklasan niya ang mas malawak na kaalaman ng isang komunidad, gawi, at tradisyon nito. Nagbigay daan ito upang itayo niya ang Mangyan Heritage Center na impok-salukan ng mga karunungan at kaalaman sa Araling Mindoro. Naging pangunahing paksa ng kaniyang pag-aaral ang tungkol sa Ambahan at kulturang Mangyan na nagbigay direksyon upang makapagtipon at makapa-ambag ng mga aklat na magiging batayan sa paglulunsad ng Araling Mangyan. Binigyang pansin ang solidong katibayan ng pagmumuhon ni Postma sa Araling Mindoro gamit ang lente ng teoryang Hermenyutika ni Schleiermacher. Ang isinagawang pagpapakahulugan sa mga tekstong kultural ni Postma ay naging mahalagang gampanin sapagkat nagbigay ito ng pagtutulay sa malalim na pagpapakahulugan ng kultura, tradisyon, at paniniwala ng mga pangkat ng Mangyan. Ang intelektwal na talambuhay ni Postma bilang paring misyonaryo ang nagbukas ng daan sa mga pagsusuri at pagbuo ng mga pananaliksik sa Araling Mindoro partikular sa Araling Pilipinas. Ang kaniyang kaligiran bilang isang paring nabibilang sa Societas Verbi Divini (SVD) na ang misyon sa Pilipinas ay hindi lamang nagdala ng Kristiyanismo kundi nagpakita rin ng malasakit sa mga tao sa lahat na aspeto ng kanilang buhay. Ang pananaliksik na ito ay naghahatid upang magsagawa pa ng mas malawak na pag-aaral tungkol sa mga akda ni Postma sa pamamagitan ng pag-iisa-isa sa mga koleksyong matatagpuan sa Mangyan Heritage Center partikular ang kaniyang mga unpublished manuscript. Hinihikayat pa ang pagkaroon ng pag-aanalisa o pagsusuri sa iba pang mga antropologong nag-aral sa iba pang pangkat-etnikong Mangyan maliban sa Hanunuo na siyang naging konsetrasyon ng pag-aaral ni Postma upang mapagkumpara ang kanilang natatanging mga kultura at tradisyon. Makatutulong rin ito upang makawala sa dominanteng pag-aaral ng Hanunuo, Mangyan sa iba pang pangkat ng Mangyan upang maiwasan ang cultural misrepresentation Makabubuti rin sa mga lokal na pagpaplano ang pagbuo ng Center for Hanunuo Mangyan Studies na maaaring magtipon o maglulan ng di mabilang na mga pag-aaral tungkol dito.

Mga Susing Salita: Antoon Postma, Hanunuo Mangyan, Archival Research, Ambahan, Surat Mangyan

Abstract Format

html

Language

Filipino

Keywords

Mangyan (Philippine people)--Language; Mindoro (Philippines); Postma, Antoon, 1929-2016

Upload Full Text

wf_yes

Embargo Period

4-20-2026

Available for download on Monday, April 20, 2026

Share

COinS