•  
  •  
 

Dalumat: Multikultural at Multidisiplinaryong E-Journal sa Araling Pilipino

Abstract

Marapat na mabigyan ng kritikal na makakalikasang atensyon ang kapuluang Pilipinas sapagkat pinagbabantaan ng kapitalohenikong aktibidad ang mayamang panlupa’t pantubig na biodibersidad nito. Interesado ang papel kong ito sa mga larong tabletop at ang kanilang potensyal sa paglinang ng imahinaryong isinasaalang-alang ang ekolohiyang pang-isla ng bansa. Nagpopokus ako sa dalawa: ang Pawikan Patrol (2018) at Resilience: Survive and Thrive (2015). Sa pag-aaral na ito, binibigyan ng malapitang pagbasa ang “retorikang prosidyural” (“procedural rhetoric”) ng dalawang laro. Sinusuri sa naturang lapit ang saligan, layunin, mga piyesa at elementong pisikal, at mekaniks ng mga tekstong binubuo ng mga hakbang at panuto tulad ng larong tabletop. Iminumungkahi ko na lunan ang dalawang laro ng “paglalarong arkipelahiko.” Alinsunod sa mga palagay ng Karibong pilosopong si Édouard Glissant na nagtaguyod ng kaisipang arkipelahiko, ginagamit ko ang pariralang ito upang humalili sa dalawang operasyon. Una, sangkot sa kanilang gameplay ang paglikha at pakikilahok sa isang arkipelahikong espasyo kung saan ang kanilang mga elemento (tulad ng manlalaro) ay inuunawa bilang hiwa-hiwalay ngunit konektado. Ikalawa, sa paraang komunikatibo, itinuturo ng ganitong paglalaro ang pagkakaugnay-ugnay sa mga ekosistema at konserbasyon nito. Inaanyayahan tayo ng paglalarong arkipelahiko na pagnilayan ang ating politikang ekolohikal sa pamamaraang arkipelahiko: lokal, maramihan, at kinakatawan.

Share

COinS