DLSU Arts Congress Conference Proceedings
Abstract
Ang diva ay isang konstruksyong kultural at pangmidya na nagtataglay ng mga signipikasyon hinggil sa lipunan at panahong kanyang kinabibilangan. Tinalakay sa papel na ito ang pagtatanghal ng imahen ng lokal na pop diva sa panahon ng makabagong midya, gamit si Gigi de Lana (GDL) bilang pangunahing teksto. Gamit ang konsepto ng ideolohiya bilang teoretikal na lunsaran at intertekstwal na pagsusuri bilang pangunahing metodo, sinagot ng pag-aaral ang mga sumusunod na tiyak na suliranin: 1) ang konsepto ng viral diva; 2) ang pagtatanghal ni GDL sa mga katangian ng viral diva; at 3) ang papel ng teknolohiya ng social media sa konstruksyon ng diva sa panahon ng makabagong midya.. Tangan pa rin ni GDL ang mga katangian ng isang diva; gayunpaman, sa kanyang paglihis sa ruta ng tradisyunal na diva, umusbong ang konsepto ng viral diva: isang ordinaryo ngunit mahusay na babaeng mang-aawit na taglay ang imahen at mga katangian ng isang diva sa simbolikal na aspekto ngunit independente at bihasa sa paggamit ng plataporma ng makabagong midya upang magtanghal at pukawin ang atensyon ng odyens online. Sa pag-usbong ng karera ni GDL, malaki ang naging papel ng partisipasyon ng mga tao at makikita pa rin ang kapangyarihan ng participatory culture sa social media dahil sa kakayahang ng taong gamitin ang teknolohiya upang hulmahin ang kulturang popular sa paraang naaayon sa gusto nila. Sa era ng hyperkapitalismo at neoliberalisasyon, maituturing pa rin bilang subersibong reaksyon ang pag-usbong ng viral diva.
Recommended Citation
Avelino, John Christopher C.
(2026)
"Si Gigi De Lana, ang Viral Diva: Ang Pagtatanghal ng Imahen ng Lokal na Diva sa Panahon ng Makabagong Midya,"
DLSU Arts Congress Conference Proceedings: Vol. 9, Article 1.
Available at:
https://animorepository.dlsu.edu.ph/dacproceedings/vol9/iss1/1